KOREANO, 1 PA HULI SA ECSTASY

NADAKIP ng nagpapatrolyang mga operatiba ng Ermita Police Station 5 ng Manila Police District, ang isang Koreano at isa pang lalaki makaraang makumpiskahan ng limang piraso ng ecstasy tablets sa panulukan ng Nakpil at Jorge Bocobo Streets, Barangay 698, Ermita Manila noong Sabado.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 ng Article II ng Republic Act 9165 ang suspek na kinilalang si Lee Yong Jae, 46, Korean national, negosyante at residente ng Barangay 698, Malate.

Kasama rin sa naaresto ang umano’y kasabwat nito na si Borbe Allaine, 30, ng Pasay City.

Base sa ulat ng Station Drug Enforcement Unit kay Police Lieutenant Colonel Alfonso Saligumba III, station commander, bandang alas-2:00 ng madaling araw, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng 50 Alpha Sector ng mobilized patrol sa lugar, sa pangunguna ni Police Staff Sergeant Jomar Lappay, nang mapansin ng mga ito ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek.

Ayon kay Police Lieutenant Gabriel DC Torres, deputy sector commander, nang sitahin ang mga suspek ay nakumpiska sa mga ito ang isang plastic sachet na naglalaman ng limang pirasong brown tablet na hinihinalang ecstacy na nagkakahalaga ng P8,500.

(RENE CRISOSTOMO)

157

Related posts

Leave a Comment