BUKOD sa dapat pagdusahan sa kulungan ang kanilang kasalanan, kailangang ipabalik sa mga akusado sa ‘laptop scandal’ noong nakaraang administrasyon ang halos isang bilyong piso na nawala sa sambayanang Pilipino.
Ito ang iginiit ni ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio matapos iutos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong katiwalian at falsification of public documents laban kina dating Education Secretary Leonor Briones, dating Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao at 12 pa.
“We demand that all those responsible for this massive corruption be held accountable to the fullest extent of the law. The P979.36 million in undue injury to the government must be recovered and returned to the people,” ani Tinio.
Nag-ugat ang kaso noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan naglaan ang gobyerno ng P2.4 billion para pambili ng laptop ng public school teachers na gagamitin nila sa kanilang online teaching.
Idinaan ng DepEd sa Procurement Service ng DBM na pinamumunuan noon ni Lao ang pagbili ng 68,500 unit ng laptop subalit 39,583 unit lamang ang nabili ng mga ito.
Nangyari aniya ito dahil P58,270 ang halaga ng bawat unit ng laptop na ang tunay na halaga ay P22,490 hanggang P25,000 lamang bukod sa napakababa ang kalidad nito kaya nawalan ng P979.36 million ang gobyerno.
“Ang P2.4 bilyong pondo na ito ay dapat sana nakatulong sa mas maraming guro sa panahon ng pandemya. Pero dahil sa korapsyon at palpak na procurement, hindi lamang naging mahal ang mga laptop, pati na rin ang kalidad ay hindi umabot sa inaasahan,” ayon sa mambabatas.
Dobleng insulto aniya ito sa mga guro noong panahon ng pandemya na nangangailangan ng de-kalidad na kagamitan para sa kanilang distance learning kaya dapat siguraduhin na makamit ng mga ito ang katarungan.
“Ang mga guro at mga mag-aaral ang tunay na biktima ng corruption na ito. Kailangan nating siguruhing hindi na mauulit ang ganitong klaseng pagnanakaw sa pondo ng edukasyon,” dagdag pa ng kongresista.
(BERNARD TAGUINOD)
