KREDIBILIDAD NG OSG MABABAHIRAN SA PAGBALIGTAD SA ISYU NG ICC

PUMALAG ang kampo ng mga Duterte matapos paboran ng Supreme Court En Banc ang pagbabalik ng Office of the Solicitor General (OSG) bilang abogado ng gobyerno sa kaso ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam kay Atty. Israelito Torreon, abogado ng mga Duterte, sinabi nitong mababahiran ang kredibilidad ng OSG dahil bigla nitong binaligtad ang dati nitong posisyon na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.

“Ang problema rito, galing mismo sa OSG dati ang posisyon na walang ICC jurisdiction. Ngayon biglang baligtad. Paano mo ipapaliwanag ‘yan?” sabi ni Torreon. Napa-amin pa siyang mahirap kalaban ang mga abogado ng OSG dahil “magagaling ang mga ‘yan,” pero tanong niya: credible pa ba?

Bakas umano sa malaking “U-turn” na posibleng nadiktahan ng kasalukuyang administrasyon, kaya nagmumukhang legal ang pag-aresto sa dating pangulo at ang posibleng pagdakip din kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Kaya naman naghahanda ang kampo ni Duterte na magsumite ng sariling pleading sa Korte upang ilahad ang kanilang pagkontra.

Matatandaang si dating SolGen Menardo Guevarra ang unang kumalas sa kaso at tumangging katawanin ang gobyerno dahil, aniya, wala nang hurisdiksyon ang ICC mula nang kumalas ang Pilipinas noong 2019.

Ngayon, tuloy na tuloy ang OSG sa pagtayo bilang legal counsel ng gobyerno matapos payagan ng SC En Banc ang Manifestation with Entry of Appearance dahilan para muli itong kumatawan para sa respondents, kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nag-ugat ang kaso sa petition for certiorari nina dating Pangulong Duterte at Sen. Bato, na kinukuwestiyon ang kooperasyon ng gobyerno sa ICC at ang pag-aresto para dalhin si Digong sa The Hague.

Dating umatras ang OSG noong Abril 2025, pero nitong Disyembre 1, 2025, bigla itong nagbalik at humiling pa ng kopya ng lahat ng court issuances.

Sa En Banc session noong Dec. 3, tuluyan nang binuksan muli ng Korte Suprema ang pinto para sa OSG.

(JULIET PACOT)

29

Related posts

Leave a Comment