Nagpalabas ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa isang social media personality, na driver at rehistradong may-ari ng Ford Expedition, matapos kumalat online ang isang video na nagpapakita ng ilang paglabag sa batas-trapiko.
Sa naturang viral video, makikitang minamaneho ng vlogger ang sasakyang gamit ang pekeng plaka, hindi nakasuot ang seatbelt at gumagamit ng mobile phone habang nagmamaneho. Ang mga paglabag na ito ay itinuturing na distracted driving at nagsapanganib sa ibang motorista.
Inatasan naman ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang nabanggit na vlogger na dumalo sa isasagawang hearing sa LTO – Intelligence and Investigation Division (IID) sa East Avenue, Quezon City.
Kailangan aniyang magsumite ng verified comment/explanation upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng mga kasong paglabag sa Failure to Attach Authorized Motor Vehicle License Plate, Mandatory Use of Seatbelt, Distracted Driving, Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Inilagay din sa preventive suspension ang driver’s license ng vlogger sa loob ng 90 araw at naka-alarma ang Ford Expedition na kinakailangan niyang dalhin sa Motor Vehicle Inspection Facility sa LTO Compound para sa kumpletong roadworthiness inspection.
Nagbabala si Lacanilao sa vlogger na kapag nabigong dumalo o magsumite ng komento, ito ay ituturing na pagbalewala sa kanyang karapatang maipagtanggol ang sarili, at magpapatuloy ang LTO sa pagresolba ng kaso batay sa mga dokumentong mayroon ang ahensya.
31
