KAILANMAN hindi inilalako ng Bureau of Customs (BOC) ang mga kumpiskadong kargamento.
Ito ang paglilinaw ng ahensya kaugnay ng isang grupong nagpapakilalang pinagkatiwalaan umano ng kawanihang magbenta ng mga high-tech gadgets na nasabat sa operasyon kontra smuggling.
Babala ng BOC, walang probisyon sa ilalim ng kanilang umiiral na reglamento ang pagtatalaga ng organisasyon o pribadong kumpanya para sa pagbebenta ng mga kumpiskadong kargamento.
Partikular na tinukoy ng kawanihan ang nagkalat na social media post ng grupong Olguopic-UK na nagsasabing sila mismo ang itinalagang tagabenta ng mga nasabat na high-tech gadgets na nasabat ng BOC mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.
Sa Facebook post ng Olguopic-UK, lantaran nilang iniaalok ang 3,000 Japanese Yamaha home Bluetooth audio systems na kargado ng 128 gigabytes, at iba pang mga gadgets.
Kasabay ng babala sa publiko, nilinaw rin ng BOC na hindi kailanman nagkaroon ng kaugnayan ang kanilang ahensya sa nasabing grupo, at lalong hindi naman anila wasto ang gayong proseso.
Dagdag pa ng kawanihan, mayroon silang mga mekanismong gabay sa pagdidispatsa ng mga kumpiskadong kargamento.
Kabilang sa mga mekanismong tinukoy ng BOC ang public auction, donasyon o pagwasak kung kinakailangan.
Bahagi rin ng nasabing mekanismo ang pagbabalik ng mga kargamento mula sa pinanggalingan, lalo pa’t may dalang peligro sa kalusugan at kalikasan ang mga kargamento.
Kaugnay nito, isang Pinay ang muntik nang mahulog sa modus ng isang sindikato sa likod ng “fake package scam”. Kinilala ang nasabing indibidwal bilang si Luzviminda Capon na nilapitan umano kaugnay ng isang bagaheng ipinadala para sa kanya.
Giit ng taong nakipag-ugnayan kay Capon, may bagahe umano itong nakabinbin sa BOC at mailalabas lamang kung magbabayad ng karampatang buwis sa kanila.
Subalit sa halip na maniwala, agad itong humingi ng tulong sa BOC Customer Care Center ng Port of Tacloban kung saan niya napag-alamang walang katotohanan ang nasabing impormasyong natanggap sa hindi pa nakikilalang indibidwal.
