Kumpiskadong “unmarked fuel” 6.3K LITRONG KRUDO DONASYON NG BOC SA PH COAST GUARD

SA hangaring isulong ang agresibong pagpapatrolya sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas, nasa 6,357.8 litro ng krudo ang handog kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sa isang seremonyang ginanap sa Port of Clark, pormal na isinalin ng BOC-Clark District Collector Alexandra Lumontad ang disposisyon ng mga kumpiskadong produktong petrolyo kay Task Force Unit One Stop Shop Subic Commander Eunika Marie Tomioka na tumatayong kinatawan ng PCG.

Kabilang naman sa mga dumalo sa naturang pagtitipon sina Deputy Collector for Operations Jesus Llorando, Chief of Auction and Cargo Disposal Unit Atty. Eleazar Rabanes at kinatawan mula Enforcement & Security Service (ESS) at Customs Intelligence & Investigation Service (CIIS).

Sa datos ng ahensya, ang donasyong krudo ay bahagi ng mga “unmarked fuel” na kinumpiska ng kawanihan noong buwan ng Setyembre 2021 sa bisa ng isang Letter of Authority (LOA) na nilagdaan ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Makaraan ang 10 buwan, napagpasyahan ng BOC na ibigay na lamang sa PCG ang mga kumpiskadong krudo sa layuning magtuloy-tuloy ang pagpapatrolya ng sangay ng bantay-dagat.

Buwan ng Setyembre 2019 nang umpisahan ng BOC ang implementasyon ng Fuel Marking Program bilang mekanismo laban sa malawakang fuel smuggling. Sa ilalim ng naturang programa, isa-isang iniinspek­syon ng kawanihan ang mga oil depot, fuel retail stations at mga oil tank trucks para tiyaking bayad ang karampatang buwis at taripang ka­lakip ng mga binebentang produktong petrolyo sa merkado.

120

Related posts

Leave a Comment