Kung ipagpapaliban sa susunod na taon – solon AYUDA MAPUPULITIKA

GAGAMITIN ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa pandemya sa COVID-19 upang masiguro na manatili ang mga ito sa puwesto.

Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil wala umanong balak ang Malacanang na magbigay ng ayuda ngayong taon gayung mas kailangan na kailangan na ito lalo na’t muling magpapatupad ng lockdown ang gobyerno sa susunod na linggo.

“Sinabi pa ni Duterte na isama na lamang sa budget para sa 2022. Alam nyo bakit? So 2022 pala ang balak ni Duterte na magbigay ng ayuda. Isasama sa eleksyon ang pagbibigay ng ayuda para kunwari galing sa bulsa niya,” ani Brosas.

“This thing is just plain evil. Gagamitin pa ang krisis upang manguna sa nalalapit na eleksyon,” dagdag pa ng lady solon kaya kailangang ipasa na aniya ng Senado ang Bayanihan 3 upang hindi magamit ng administrasyon ang tulong pinansyal na ito sa susunod na halalan.

Una nang ipinasa ng Kamara ang Bayanihan 3 noong Marso 2021 na may pondong P401 Billion kung saan P216 Billion dito ay para mabigyan ng P2,000 ayuda ang bawat Filipino.

Ayon kay Brosas, kung hahayaan ng Senado na maisama sa 2022 national budget ang ayuda ay hindi magkakaroon ng ‘fair election’ sa susunod na taon at dehado ang mga kalaban ng mga kandidato ng administrasyon.

Ayuda ngayon kailangan

Sinabi naman nina ACT party-list Rep. France Castro at Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat na mas kailangan ang ayuda ngayon dahil sa 2 linggong lockdown na ipatutupad ng gobyerno.

Ayon kay Castro, muling magugutom ang mga tao sa loob ng 2 linggo kaya nararapat lamang na bigyan ng ayuda ang mga ito lalo pa’t hindi nila kasalanan kung bakit lumalala ang pandemya.

“Kasalanan ito ng gobyerno kaya dapat may ayuda,” ayon sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

117

Related posts

Leave a Comment