Suporta ng ilang miyembro nasa hindi kapartido IWANAN TULOY SA PDP-LABAN

(BERNARD TAGUINOD)

SA gitna ng hidwaan sa loob ng partidong PDP-Laban, tila nababawasan na ang puwersa ng mga ito matapos ang lantarang pagsuporta ng kanilang mga miyembro sa hindi nila kapartido.

Ito ang obserbasyon ng marami matapos ang tila pag-abandona na ni House Speaker Lord Allan Velasco sa PDP-Laban at lantarang pagsuporta kay Davao City Mayor Sara Duterte.

Kabilang si Velasco sa mga politikong nagpagawa na agad ng campaign stickers na posibleng paghahanda sa kanyang reelection bid bilang kinatawan ng Marinduque o kaya pagtakbo bilang gobernador ng nasabing lalawigan.

Maugong ang impormasyon na magpapalitan sina Velasco at amang si Gov. Presbitero Velasco ng puwesto sa kanilang lalawigan sa susunod na eleksyon dahil posibleng makuwestiyon ang muli nitong pagtakbo sa Kongreso.

Bilang bahagi ng paghahanda, meron nang political campaign sticker si Velasco kung saan nakasuot ito ng puting polo shirt at naka-fist bump na may nakasulat na malaking letra ng IDOL.

Kapansin-pansin ang mga letrang HNP sa polo-shirt ni Velasco na siyang inisyal ng partido ni Mayor Duterte na Hugpong ng Pagbabago at hindi PDP-Laban na kanyang partido.

Mistulang indikasyon ito na inabadona na ni Velasco ang kanyang partido para sa HNP ni Mayor Duterte na maugong na tatakbo sa pagkapangulo sa susunod na eleksyon.

Si Velasco ay dating vice chairman for external affairs ng PDP-Laban subalit hindi ito tumakbo sa anomang posisyon sa partido nang magkaroon ang mga ito ng national assembly noong Hulyo 17.

Gayunpaman, nanatiling miyembro ng PDP-Laban si Velasco at pangalawa kay Pangulong Duterte na may pinakamataas na posisyon sa gobyerno na kasapi ng lapian.

Lumalabas na pangalawa na si Velasco sa mga miyembro ng PDP-Laban na sumusuporta kay Mayor Duterte dahil una nang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na si Mayor Sara ang kanyang presidential candidate sa 2022.

98

Related posts

Leave a Comment