KUNG NAKINIG LANG SA MGA DALUBHASA

TAONG 2020 pa nang hikayatin ng mga kilalang dalubhasa sa larangan ng siyensya ang pamahalaan para sa malawakang mass testing na tutukoy sa mga taong higit na kailangang tugunan sa ­hangaring ang hawaan ay mapigilan.

Makaraan ang halos dalawang taon, nanatiling bulag at nangangapa ang mga itinalagang ahensya ng gobyerno kung paano tutuldukan ang hawaan, sukdulang abutin tuloy ng hindi bababa sa tatlong milyong katao ang tinamaan.

Sa halip kasing maniwala sa mga alagad ng agham at medisina, pinili ng Pangulo na magtalaga ng isang retiradong sundalo sa pagtugon kontra pandemyang naglugmok sa ekonomiya, kumitil ng libo-libong tao, bukod pa sa mga nawalang trabaho at tumaas na bilang ng mga positibo.

Ang siste, ngayon pa lang nagsimulang maniwala ang Department of Health (DOH). Ayon mismo sa departamento, plano nilang baguhin ang estratehiya – mula sa contact tracing, ­gagawing malawakang testing.

Ayon sa kagawarang pinamumunuan ni Secretary Francisco Duque, kailangan nang magpalit ng polisiya dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19. Anila, hindi na muna prayoridad ang contact tracing dahil halos karamihan sa isang pamilya ay positibo sa COVID.

Giit ng pamahalaan, sayang lang ang perang gugugulin sa contact tracing.

Susmaryosep! Bakit kailangang umabot sa sukdulan ang sitwasyon bago napagtanto ng gobyernong higit na kailangan ang mass testing kaysa contact tracing?

Ang totoo, sadyang hindi ­angkop ang retiradong sundalo sa problemang may kinalaman sa kalusugan. Hindi sa pagmamaliit sa giting ng mga sundalo, pero iba ang kailangan sa problemang kinakaharap ng bansa – siyentipiko, medico at mga eksperto sa larangan ng agham.

Ang mga sundalo? Malaking bentahe pa rin naman sila – sa pagpapatupad ng mga paghihigpit ng gobyerno.

Ang masaklap, may mga pasaway na opisyal ng gobyerno na pasimuno pa sa paglabag ng mga reglamento. Itanong mo pa kina Koko Pimentel, Harry Roque, Mocha Uson, Debold Sinas at maging kay Duque na ayaw bumitaw sa pwesto sa kabila ng mga kapalpakan at sandamukal na bulilyaso sa larangan ng pagtugon sa pandemya at paggamit ng pondo.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

410

Related posts

Leave a Comment