LABAN KUNG LABAN!

(NI NICK ECHEVARRIA)

PINAYUHAN ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tauhan na bumuwelta at lumaban para ipagtanggol ang mga sarili, sa sandaling salakayin sila ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa kabila ng umiiral na  tigil-putukan.

Ginawa  ni PNP Director for Operations P/MGen. Emmanuel Licup ang pahayag sa isinagawang indignation rally na nilahukan ng may 200 mga miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) at  iba’t ibang mga organisasyon para kondenahin ang Communist Party of the Philippines/New People’s Army (CPP/NPA) kasabay ng kanilang ika-51-taong pagkakatatag nitong Huwebes.

Nilinaw ni Licup na bagama’t mayroon ngayong ceasefire sa pagitan ng pamahalaan at CPP/NPA, hindi nito pinipigilan ang mga pulis na lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa oras na inaatake sila ng mga rebeldeng NPA.

Binigyang diin pa ng heneral  na wala namang ibang magagawa ang pamahalaan sakaling patuloy na lumabag ang NPA sa kasalukuyang tigil-putukan kung hindi i-record ang mga paglabag nila sa ceasefire.

Matatandaan na tutol ang PNP sa pagde-deklara ng ceasefire sa mga komunistang rebelde ngayong holiday season, subalit iginagalang naman nila ang naging desisyon ng pangulong Rodrigo Duterte bilang commander-in-chief.

Ang pahayag ni Licup ay base na rin sa ginawang pag-atake ng mga NPA sa mga sundalo at pulis sa Bicol, Iloilo at Quezon na ikinamatay ng isang sundalo habang ikinasugat ng ilan pa, ilang oras matapos magdeklara ng 15-araw unilateral at reciprocal ceasefire ang pamahalaan at CPP nitong Linggo mula 12:01 a.m. ng Dec.23 na tatagal hanggang Jan. 7, 2020.

 

289

Related posts

Leave a Comment