Lacson sa dami ng nahalukay sa Senado PHILHEALTH OFFICIALS MALILIGO SA KASO

BINALAAN ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales kasama ang iba pang opisyal na maliligo ang mga ito sa kaso sa sandaling
maisumite na ng Senado ang kanilang rekomendasyon sa Department of Justice (DOJ).

“Malamang maliligo kayo ng kaso kapag ibinahagi na ni Senate President Tito Sotto Kay DOJ Secretary Menardo Guevarra ang lahat na records ng proceedings ng pagdinig na isinasagawa
namin,” saad ni Lacson sa kanyang opening statement sa ikatlong pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa mga alegasyon laban sa PhilHealth.

“Ngayong panahon pa man din ng pandemya na hindi man lang ninyo pinatawad. Kaya huwag [ninyong] asahan na [patatawarin] kayo ng sambayanang Pilipino,” dagdag pa ni Lacson.

Sinabi ni Lacson na posibleng maharap ang mga opisyal sa Malversation of Public Funds or Property, paglabag sa National Intenal Revenue Code at Anti-Graft and Corrupt Practices Act or RA
3019.

Sa pagdinig, pinuna ni Lacson ang pagsisinungaling anya ni PhilHealth Senior Vice President for Fund Management Sector Renato Limsiaco Jr. hinggil sa pagbabayad ng withholding tax ng
PhilHealth sa inilabas na pondo para sa interim reimbursement mechanism (IRM).

Bilang patunay, inilabas ng senador ang memorandum na pirmado nina Morales at Limsiaco na nagsasaad na nai-remit na nila ang 2% ng kanilang expanded withholding tax sa BIR.

“The memorandum was dated August 7 or four days after Limsiaco patently lied to the committee,” diin ni Lacson.

Sinabi ni Lacson na inatasan din nina Morales at Limsiaco ang regional vice presidents na mag-isyu ng BIR Form 2307 sa health care institutions (HCIs) na nakatanggap ng IRM advance payments.

“Ang BIR Form 2307 ay iniisyu bilang katibayan na nakapagbayad na ng expanded withholding taxes ang isang ospital para sa kanilang IRM advance payment na tinanggap,” paliwanag ni Lacson.

“Kung susundan natin ang argumento ni SVP Limsiaco na wala pang buwis na nakokolekta sa mga ospital, hindi ba bukod sa pagsisinungaling, inutusan pa nila ni Gen Morales ang mga RVPs na
mag-commit ng krimeng Falsification of Public Documents?” diin pa nito.

Maging sa Kongreso ay lumutang din ang posibilidad na maharap hindi lang sa kasong plunder, kundi technical malversation of public funds ang mga opisyal ng PhilHealth dahil sa maling
paggamit sa IRM.

Nagbabala si House deputy speaker Jesus Cripin “Boying” Remulla sa mga opisyal ng ahensya matapos matuklasan sa joint hearing ng House committee on public account at committee on good
government and public accountability, na hindi lang sa COVID-19 patients puwedeng gamitin ang IRM funds kundi sa ibang bagay.

Bukod ang kasong ito sa plunder case, na ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, chairman ng committee on public accounts, ay posibleng kaharapin ng mga opisyal ng PhilHealth
dahil nawalan umano ng mahigit P153 bilyon ang taumbayan dahil sa All Case Rate policy ng ahensya simula noong 2013 hanggang 2018.

Ayon kay Remulla, malinaw sa inilabas na patakaran ng PhilHealth na ang IRM funds na inadvance sa mga ospital ay karamihan sa mga pribado subalit binigyan ng pondo maging ang mga dialysis center.

“Ibig sabihin, technical malversation po ‘yan. It was meant to be for COVID patients, ibinigay niyo sa non-COVID. So public fund was used for a public purpose, but not for intended purpose,” ani
Remulla.

Lalong lumakas ang kasong techinal malversation laban sa mga opisyal ng PhilHealth matapos aminin ni PhilHealth Vice President for the fund management sector Reynato Limsiaco Jr., sa
pagtatanong ni Marikina Rep. Estella Quimbo na puwedeng gamitin ng mga ospital ang IRM funds bilang pampasuweldo at pambili ng test kits at supplies.

Ayon kay Defensor, bago pa man maubos ang nasabing pondo ay kailangang bawiin na ito ng PhilHealth lalo na sa private health care providers (HCPs) na walang kapasidad na gumamot ng
COVID-19 patients. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

159

Related posts

Leave a Comment