MULING pumalag ang mga tindera at negosyante ng Divisoria Public Market patungkol sa naging depensa ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna sa bentahan ng palengke sa hot seat online ng Manila Bulletin.
Ayon kay Emmanuel Plaza, Chairman-Paralegal Services ng Divisoria Public Market Credit Cooperative, walang kinalaman ang mga dating alkalde ng Manila sa bentahan ng Divisoria market partikular na si Ex-Mayor Mel Lopez na ama ni mayoralty bet Atty. Alex Lopez taliwas sa akusasyon ni Lacuna.
Aniya, malinaw na nakalagay sa Deeds of Absolute Sale, na sa pagitan nina Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at George Chua, Chairman ng Festina Holdings Corporation na October 16, 2020 ang petsa ng bentahan ng naturang lugar.
Sinabi rin ni Plaza, walang katotohanan na hindi na pinamamahalaan ng City of Manila ang naturang palengke dahil simula noong 1992 hanggang October 2021 mayroon itong market master na siyang kinatawan ng city hall upang mamahala roon at mangolekta ng fees.
Katunayan ang huling nakatalagang market master sa Divi mall ay si supervisor Alexander Villanueva. Nitong October 2021 lamang umalis si Villanueva sa nasabing palengke. Mayroon din silang mga pinanghahawakang resibo na kanilang pinagbabayaran dito.
Dagdag pa ni Plaza, hindi pabor sa lungsod ang pagbebenta ng palengke dahil ayon sa Deeds of Absolute Sale, binenta ito sa halagang P13,000.00/ square meter.
Napag-alaman na ang mga may-ari ng tindahan ay nagbabayad ng P8,000.00 sa municipal licence at P50/day o 1500/month o P18,000.00 per year.
At ang kabuuang binabayaran ng mga manininda bawat tindahan ay umaabot ng P26,000.00 bawat taon sa city hall.
Ang sukat ng bawat tindahan ay 2.25 square meters. Ang ibig sabihin, naibenta ang bawat tindahan sa halagang P29,500.00 lamang.
Sinabi pa ni Plaza na ang P26,000.00 na collection ng city hall sa mga manininda taon-taon, ay pinagpalit sa halagang P29.500.00 na bentahan ng bawat pwesto.
Aniya, wala rin katotohanan na dumaan sa tamang proseso ang bentahan sa Divisoria Market dahil hindi nagkaroon ng public hearing at hindi rin kinonsulta ang mga vendor.
Ipinagtataka ng mga vendor kung bakit dalawa lamang umano ang pumasok sa nasabing bidding – ang KMC Realty Corp. at Festina Holdings, Inc., kung saan ang Festina ang pinaboran sa nasabing tawaran.
Nagkabayaran sa city hall noong October 16, 2020 at nalaman lamang ng vendors, 25 araw makalipas maibenta ang palengke noon November 11, 2020.
Laking pagdududa ng mga vendor ng Divisoria nang sabihin ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan na kaya ibinenta ang Divisoria market dahil kailangan ng lungsod ng pera para gamitin sa pandemya.
Ipinahayag pa ni Plaza, na nagawang mangutang ng Pamahalaang Lungsod ng P15 bilyon at inilaan ang P1.7 bilyon para lang sa pagpapaganda ng Manila Zoo sa panahon ng pandemya.
Nalungkot ang maraming manininda sa naging hakbang ng kasalukuyang administrasyon sa Maynila dahil mas pinahalagahan pa ang mga ‘hayop’ sa Manila Zoo, at hindi tinignan ang maraming magugutom na pamilya ng vendors sa Divisoria market.
“Bakit kailangan pa nilang alisin ang mga vendors na nasa ilalim ng Divisoria market, at itapon sa Pritil market na batid naman nilang hindi nabibilihan sa 2nd floor ng naturang palengke. Maari naman i-develop ito at sa labas na lamang ng palengke pansamantala kaming ilagay,” wika ni Plaza.
Hanggang sa kasalukuyan aniya ay hindi pinapansin nina Lacuna ang kanilang mga hinaing at hindi rin sila kinakausap ng mga ito.
“Ang kailangan namin ngayon ang mga taong desidido ang layunin para tulungan kami,” pagwawakas ni Plaza. (JULIET PACOT)
