NAGLUKSA ang mababang kapulungan ng Kongreso sa pagpanaw ng isa na naman nilang miyembro na si Camarines Sur 1st District Congresswoman Marissa Andaya.
Si Andaya ang ikatlong miyembro ng 18th Congress na pumanaw.
Unang pumanaw dahil sa sakit sina Benguet Rep. Nestor Fongwan at LPGMA party-list Rep. Rodolfo Albano noong nakaraang taon.
Ayon sa asawa ni Andaya na si dating Congressman Roland “Nonoy” Andaya, isang cancer survivor ang kanyang misis subalit kailangan nito ang regular na check-up na hindi nagawa dahil sa community quarantine.
“She reluctantly returned to Manila on the first week of June for her scheduled medical check-up. It was there that we learned that her nemesis has returned with a vengeance,” ayon sa asawa ng mambabatas.
Simula umano nang mag-lockdown dahil sa COVID-19 pandemic ay nanatili sa kanyang distrito ang mambabatas at personal na umiikot para tulungan ang mga may sakit, stranded at mga taong nawalan ng trabaho at kabuhayan.
Dahil dito, bumalik ang sakit ng mambabatas na kanyang ininda sa nakaraang pitong taon na naging dahilan ng kanyang pagpanaw noong Linggo, Hulyo 5.
Agad naman nagpahatid ng pakikidalamhati ang liderato ng Kamara sa pamamagitan ni House Majority leader Martin Romualdez sa pamilyang Andaya.
“We wish that the outpouring of love and support will somehow bring consolation, strength and peace to former House Majority Leader Nonoy Andaya and his family during this painful time. We know that no words
can comfort her family in this sorrowful moment. She will be included in our prayers and may God give her eternal rest,” mensahe ni Romualdez. (BERNARD TAGUINOD)
