LIMANG larong absent si LeBron James sanhi ng left knee soreness. Sa kanyang pagbabalik sa laro, parang walang nangyari sa kanyang tuhod at inakay ang host Los Angeles Lakers sa 122-115 overtime win laban sa New York Knicks, Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).
Inilista rin ni James ang 103rd career triple-double, matapos umiskor ng 29 points, may 13 rebounds at 10 assists sa 40 minuto. Itinakas din niya ang Lakers mula sa 21-point first-half deficit, pinakamalaking comeback win sa season.
Dinomina ng Knicks ang first half kasunod ng 21-6 run, kung saan nagpasabog si R.J. Barrett ng 17 mula sa career-high 36 points sa opening quarter at halos hindi makahabol si James at ang Lakers.
Matapos ang halftime, natagpuan ng Lakers ang formula, nang ma-outscore ang Knicks, 31-13 sa third period at kinuha ang kauna-unahang lead sa laro.
Bagama’t may eight-point lead ang Lakers sa fourth, itinabla ito ni Barrett sa loob lamang ng 10 seconds kasunod ng dunk at 3-pointer.
May tsansa sana ang Lakers na tapusin ang laro, ngunit sablay si James sa huling basket kaya nauwi sa overtime period.
Agad rumolyo ang Lakers sa overtime, 9-2 run. Mula roon, mahigpit na hinawakan ang kalamangan tungo sa seven-point win, ikalawa nila sa tatlong laro.
Tumapos si Anthony Davis na may 26 points at 17 rebounds, habang nagdagdag si Malik Monk ng 29 points.
Sa kabila ng panalo, si Russell Westbrook ay patuloy na inaalat sa kanyang shooting at umiskor lamang ng five points mula sa 1-of-10 sa field.
Nagsumite si Julius Randle ng 32 points, 16 rebounds at seven assists para sa Knicks, habang si Barrett ay may 36 points, eight rebounds at five assists.
Na-miss ni James ang laro sa Philadelphia 76ers noong nakaraang linggo, nang magising umanong namamaga ang tuhod. Hindi naman malinaw ang sanhi ng pamamaga, pero apat na beses pa siyang lumiban sa laro. Bumiyahe siya pabalik ng Los Angeles para maipagamot ang nasabing tuhod.
Si James ay nag-average ng 29.1 points per game sa season, pinakamataas na produksyon niya mula noong 2009-10 season at highest sa liga. Sina Joel Embiid at Giannis Antetokounmpo ay 0.2 points (or less) ang layo sa kanya, bagama’t mas marami silang games na nilaro.
Nag-aaverage din si James ng 7.7 rebounds at 6.3 assists sa 36 games. At bago umabsent, sa 18 sunod na laro ay umiskor siya ng hindi bababa sa 25 points.
SUNS SUMIKAT
SA WIZARDS
PINALUBOG ng Phoenix Suns ang host Washington Wizards, 95-80 mula sa balanseng atake, sa pangunguna ni Deandre Ayton, 20 points at 16 rebounds.
May ambag si Chris Paul na 14 points, tig-12 sina Cameron Johnson at Mikal Bridges, at 11 mula kay Devin Booker para sa Phoenix, rumesbak mula nang putulin ng Atlanta Hawks ang kanilang 11-game winning streak noong Huwebes.
Umabante ang Phoenix hanggang 36 points at umangat sa league-best 42-10.
Nanguna si Montrezl Harrell para sa Washington sa kanyang 15 points, habang si Aaron Holiday ay may 11 points at nine mula kay Kle Kuzma.
Natalo ang Wizards sa ikapito ng kanilang walang laro, kasama ang limang sunod at home. Season-low point total din ito ng team, na may 35.3% sa field goal at 20.8 % (5 of 24) naman sa 3-point range.
Lumamang sa simula ang Wizards, 12-10, bago kinontrol ng Phoenix ang laro. Umabante ang Suns, 33-21 sa first quarter at binitbit ang momentum hanggang second quarter, 48-23.
Si Deandre Ayton ay may 13 points at 11 rebounds sa first half para sa Suns, hawak ang 59-32 lead bago mag-break, nang magtala lang ang Washington ng 30.2% shooting sa field, kasama ang 2-of-13 (15.4%) sa 3-point range.
Na-outscore din ang Wizards, 26-11 sa second quarter, lowest point total ng team sa quarter ngayong season.
Ikatlong sunod na laro ito ng Wizards na wala ang star guard na si Bradley Beal sanhi ng sprained left wrist.
Sa iba pang mga laro: Tinalo ng Memphis Grizzlies ang Orlando Magic, 135-115, habang wagi rin ang Miami Heat laban sa Charlotte Hornets, 104-86.
Nagtala ang defending champions Milwaukee Bucks ng 137-108 win kontra Portland Trail Blazers at nanaig ang Sacramento Kings sa Oklahoma City Thunder, 113-103.
50-50 HARDEN-SIMMONS TRADE
ILANG araw bago ang NBA’s trade deadline, magkataliwas ang balitang lumabas hinggil sa Ben Simmons-James Harden trade.
Sa Pebrero 10 ang deadline, ayon sa The Athletic, tila mapapaaga ang nasabing trade ng dalawang players, kung saan desidido umano ang Philadelphia 76ers na makuha ang serbisyo ni Harden mula sa Brooklyn Nets kapalit ni Simmons, at binanggit pa sa trade sina Seth Curry, Tyrese Maxey at Matisse Thybulle.
Bago pa man magsimula ang season, nagpasabi na si Simmons na gusto ng trade dahil ayaw na niyang lumaro sa Sixers. Katunayan, sapol nang mag-umpisa ang season, hindi pa sumasalang ang player. Ilang milyon na rin ang nalalagas sa kanyang sahod bunga ng multa sa hindi niya paglalaro.
Nitong Enero, sinasabing nais maghanap ni Harden ng panibagong oportunidad sa labas ng Brooklyn. Ilan umano sa rason niya ay frustration kay Nets head coach Steve Nash at Kyrie Irving situation, na partial player lang dahil sa pagiging unvaccinated.
May ulat din sa ‘hyperball-dominant’ playing style umano ni Harden na hindi tugma kina Kevin Durant at Irving. Pero, 13-3 ang record ng Nets ‘pag magkasamang naglaro ang tatlo.
Kaugnay nito, iniulat ng ESPN nitong Sabado (Linggo sa Manila), bagama’t ipupursige ng Sixers ang pagkuha kay Harden, hindi umano nangangahulugan na gusto rin ng player pumunta sa Philadelphia. Dahil nais umano ni Harden manatili sa Nets.
Ayon sa ulat, sinabi ni Harden sa Nets management na mananatili siya sa Brooklyn at iyon din umano ang nais ni Durant.
“Kevin Durant is not telling the owner Joe Tsai, the general manager Sean Marks what he thinks they should do at the trade deadline – he’s letting them handle that, but he believes this: when he comes back from this injury, this knee injury, probably sometime after All-Star break in February, he wants a group there that is as committed as him to winning those titles,” pahayag ni Adrian Wojnarowski ng ESPN.
“He absolutely wants to continue with James Harden, stay the course with him, and I think there’s still a real good chance that’s the case when we get past Thursday in the NBA with that 3pm trade deadline,” dagdag pa sa ulat.
CLIPPERS-BLAZERS’
PLAYERS SWAP
NAGPALITAN ng players ang Los Angeles Clippers at Portland Trail Blazers nitong weekend.
Sina veterans Norman Powell at Robert Covington ay magsusuot na ng Clippers jersey, habang sina Eric Bledsoe, Justise Winslow, Keon Johnson at 2025 second-round draft pick ay Blazers uniform na ang gagamitin.
Parehong lumuwag ang salary cap ng dalawang koponan sa pagtatangkang ma-reshape ang kani-kanilang rosters bago ang trade deadline. Ibig sabihin, maaari pa silang makakuha ng additional star players sa mga susunod na panahon.
Makakatulong si Powell sa pag-deliver ng high-level scoring kapartner ni star player Kawhi Leonard at Paul George sa mga susunod na taon.
Sina Kawhi at George ay parehong nasa injury list.
Plano naman ng Blazers na i-reshape ang roster na isesentro kay All-Star guard Damian Lillard.
