ARESTADO ang isang lalaking tinutugis sa kasong sexual assault makaraang matunton ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa kanyang pinagtataguan sa Quezon City noong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa ulat, natunton ng Tracker Team ni NPD District Director P/BGen. Josefino Ligan ang 43-anyos na si alyas “Ipe” na kabilang sa talaan ng most wanted persons ng Manila Police District (MPD), matapos inguso ng isang impormante.
Dakong alas-9:30 ng gabi nang matimbog ng mga tauhan ni District Investigation and Detective Management Division (DIDMD) head P/Col. Allan Umipig ang suspek sa pinagtataguan nito sa Quezon City.
Si Ipe ay nagtago nang malamang naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 55 noong Agosto 1, 2021 para sa kasong sexual assault. Maaaring maglagak ng piyansang P120,000 ang suspek para sa pansamantala nitong paglaya.
Hindi lang umano isa ang mga naghạin ng reklamo laban sa nasabing suspek.
Kasalukuyan nakapiit ang suspek sa Custodial Facility Unit ng DIDMD sa Caloocan City habang hinihintay ang paglabas ng kautusan ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Manila City Jail.
(MARDE INFANTE)
