LAMPAS SA TARGET: ADUANA NAKALIKOM NG P80.7-B KOLEKSYON NITONG ENERO

NALAGPASAN ng Bureau of Customs (BOC) ang itinakdang revenue target nito para sa Enero 2026 matapos makapagtala ng P80.744 bilyong koleksyon.

Mas mataas ito ng P513 milyon kumpara sa target at katumbas ng 100.6 porsiyentong collection efficiency, ayon sa Aduana.

Batay sa datos, mas mataas din ito ng 1.9 porsiyento o P1.49 bilyon kumpara sa P79.254 bilyong koleksyon noong Enero 2025.

Ipinagmalaki ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na ang magandang performance ay resulta ng pinagsamang pagsisikap ng mga tauhan ng Aduana at mga stakeholder na sumusunod sa reporma ng ahensya.

“Exceeding our January target is a strong affirmation of the hard work of our Customs personnel and the growing cooperation of the trade community,” ani Nepomuceno.

Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang commitment na suportahan ang economic agenda ng administrasyon at maghatid ng maaasahang serbisyo publiko.

Pinalakas din umano ng BOC ang enforcement operations sa buong bansa na nagresulta sa 66 matagumpay na operasyon at pagkakasamsam ng kontrabando na nagkakahalaga ng tinatayang P886.8 milyon.

Kabilang sa pinakamalaking nasamsam ang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit ₱309 milyon, kabilang ang ₱114.566 milyong halaga ng droga na itinago sa shipment na idineklarang malachite stones.

Nasamsam din ang ilegal na sigarilyo at produktong tabako na nagkakahalaga ng mahigit P209 milyon, kabilang ang pagsalakay sa isang ilegal na pabrika ng sigarilyo sa Pampanga noong Enero 28.

Nakumpiska rin ang mga sasakyan at sasakyang-pandagat na tinatayang nagkakahalaga ng P143 milyon, gayundin ang electronics na aabot sa P221 milyon, kabilang ang undeclared mobile phones na P1.68 milyon sa Port of Cebu.

“We remain fully committed to protecting our borders,” dagdag ni Nepomuceno, habang binanggit ang koordinasyon ng BOC sa Philippine Coast Guard, PDEA, NBI, PNP, at Highway Patrol Group.

(JESSE KABEL)

13

Related posts

Leave a Comment