SINISIKAP ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mapauwi ang isang Pilipinong nahuli ng Ukrainian forces habang nakikipaglaban umano para sa Russian armed forces.
Kinilala ang Pinoy bilang si Raymond Santos Gumangan na itinuturing na prisoner of war matapos mabihag sa Ukraine.
Ayon sa DMW, hindi nakarehistro si Gumangan sa kanilang database at wala ring rekord sa OWWA kung paano ito nakarating sa Russia.
Nakikipag-ugnayan na ang DMW sa Department of Foreign Affairs upang matukoy kung paano siya nakalabas ng bansa at kung paano siya maibabalik sa Pilipinas.
Nalantad ang kaso matapos lumabas ang video ni Gumangan noong Disyembre 8 sa Facebook page na “I Want to Live,” isang proyekto ng pamahalaan ng Ukraine.
Sa naturang video, sinabi ni Gumangan na una siyang kinuha bilang logistics personnel ngunit kalaunan ay ginawang armado matapos pumirma ng kontrata noong 2024 sa Ministry of Defense ng Russian Federation bilang miyembro ng 51st Parachute Regiment.
Sinasabing nasangkot siya sa opensiba sa Sumy region noong Setyembre 2024 kung saan siya nabihag.
Kinumpirma ng pamilya ni Gumangan na nakatanggap sila ng abiso mula sa International Committee of the Red Cross (ICRC). Ayon sa pamilya, dati siyang nagtrabaho sa isang security agency sa Pilipinas at nag-apply online bago nakarating sa Russia.
Matatandaang kamakailan lamang ay iniulat din ng Ukraine ang pagkamatay ng isa pang Pilipinong mercenary sa gitna ng Russia-Ukraine conflict.
(JESSE KABEL)
17
