LAW BREAKERS

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

HINDI na ako magtataka kung maraming ordinaryong mamamayan ang sumusuway sa health protocol ng gobyerno laban sa pandemya na dulot ng covid-19 dahil mismong ang mga government officials ang hindi naman sumusunod dito.

Ang mga health protocol implementers naman, tanging ang mga tulad kong ordinaryong mamamayan ang binabantayan kung nakakasunod sa protocol pero umiiwas kapag mga opisyales na ng gobyerno ang nasasangkot.

Napakaraming public officials na ang lumabag sa health protocols at nauna na dyan si Philippine National Police (PNP) Chief Debold Sinas nang sugurin ng kanyang mga tauhan sa kanyang tanggapan para supresahin sa kanyang kaarawan noong Mayo 2020 habang nasa kasagsagan ang COVID-19 pandemic.

Pinatawad na siya ni Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing hindi raw kasalanan ni General ang nangyaring Mañanita pero iniimbestigahan daw siya ng Department of Justice (DOJ). Wala na yan, pinatawad na nga ng pangulo iimbestigahan pa? Huwag kami.

Ilang beses na ring nahuli si Presidential Spokesman Harry Roque na lumabag sa health protocols at base sa aking pagkakatanda, habang dumarami ang mga tinatamaan ng covid-19 ay pumunta sa Zambales para magtampisaw kasama ang dolphins at wala raw nalabag na protocol dahil may social distancing pero may mga lumabas na larawan na nakipag-picture sa kanya ang isang babae na dikit na dikit sila.

Nagkaroon din ng videoke night si Secretary Roque na kumakanta na walang walang mask at parang nasa saradong lugar sya pero ipinagbabawal ang pagtipon-tipon ng maraming tao sa hindi open air na lugar ha.

Nakita rin ang paglabag sa social distancing nang magtungo si Harry sa Cebu para sa dumalo sa Suroy-suroy Festival. Hindi raw nya kasalanan kung naglabasan ang mga tao para makita siya ng personal. Weh, hindi nga.

Si Senador Manny Pacquiao na nagpaplano nang tumakbo sa presidential race, eh nagkaroon naman ng event sa Batangas at dikit-dikit din ang mga tao na nasa mga tent.

Hindi raw buong larawan ang ipinakita sa social media… Nabuko na nga, may ebidensya na nga itinatanggi pa eh. Anong tawag mo sa mga larawang yun, pinotoshop?

Teka nga pala, ano na pala ang nangyari sa kaso si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III sa kanyang paglabag sa health protocol nang samahan niya ang kanyang misis sa Makati Medical Center na noo’y nakatakdang manganak? Parang wala na tayong balita ha.

Ang mga lider naman ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco nagpaparty noong kanyang kaarawan. Hindi pinapayagan ang mga pagtitipon-tipon nang higit sa 10 tao pero palagay nyo 10 lang ang dumalo sa party niya noong Nobyembre 9?

Nakipag-dinner din siya kasama ang ibang lider ng Kamara kay TESDA chief Isidro Lapena at parang hindi rin nasunod ang social distancing at wala rin sila mga suot na mask.

Ilang lang sila sa mga government officials na lumabag sa health protocol pero mukhang walang plano ang gobyerno na patawan sila ng parusa. Parang sinasabi nila na “what are we in power for” kung sila ay paparusahan.

Pero kung mga ordinaryong mamamayan yan, baka ikinulong na at pinagmulta mo pa kaya buong araw na pinaglinis sa lansangan pero dahil nga mga ‘dios’ sila, exempted sila, ganun?

106

Related posts

Leave a Comment