LUMARGA kahapon ang kauna-unahang ‘Hakbang ng Maisug (matapang)’ leaders sa Davao City nitong Linggo.
Tinatayang mahigit isang libong lider ang nagtungo sa Grand Menseng Hotel kung saan idinaos ang forum upang talakayin ang iba’t ibang usapin kabilang ang kontrobersiyal na People’s Initiative (PI).
Kabilang sa mga nagsalita si dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez, na umapela sa publiko na huwag magpasilaw sa salapi.
Hindi aniya dapat pumirma ang sinoman kahit pa may katapat na maliit o malaking salapi kapalit ng kanilang pagpabor sa PI.
Aniya, napakahirap tumahimik at manahimik sapagka’t ang nilalapastangan ay ang Saligang Batas.
Higit pa aniya riyan ang kinabukasan ng ating mga anak at ng mga susunod pang salinlahi.
Kabilang sa mga dumalo sa forum si dating House Speaker Pantaleon Alvarez, dating Presidential Spokesman Harry Roque at iba pang personalidad na tagasuporta ni ex-President Rodrigo Duterte.
