MAHIGIT 405 residente ang napagserbisyuhan ng cremation services program ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan simula nang maipatayo ang Sangandaan Crematorium Facility.
Ipinatayo ng City Hall ang nasabing pasilidad gamit ang buwis ng mamamayan bago pa man magsimula ang COVID-19 pandemic.
Sa kasagsagan ng pandemya noong Marso 2020, binuksan ang crematorium upang umagapay sa mahihirap na pamilya sa Caloocan na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa pandemya.
Sa pamamagitan ng mababang presyo ng cremation, natutulungan ang mga residente na mabigyan ng disenteng huling hantungan ang mga yumaong kapamilya na naging biktima ng nakamamatay na virus.
Sa ilalim ng programa, maaaring i-avail ang cremation services kung ang yumao ay residente ng Caloocan at siya ay COVID-19 positive, probable o suspected. Kailangang lamang makipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office.
Nagkakahalaga ng P1,567 lamang ang babayaran kung indigent at P2,167 naman sa medyo may kakayanan, para sa cremation. Sinasagot din ng lokal na pamahalaan ang gastos sa transportasyon.
Sa pagkakataong ang mga sumasailalim sa cremation ay street dweller o kaya’y person deprived of liberty na wala nang pamilya, ang cremation services ay inililibre na nang buo ng lokal na pamahalaan. (ALAIN AJERO)
228 