LIDER NG DRUG GROUP HULI SA CAVITE

CAVITE – Unti-unti nang may kinalalagyan ang mga lider ng iba’t ibang drug group na nagpapakalat ng ilegal droga sa lalawigan, nang maaresto ang isang lider sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Kawit sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang naarestong suspek na si Abelardo Gutierrez, 42, ng Brgy. Congbalay, Kawit, Cavite, ang lider ng Abelardo Gutierrez drug group.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Nelvin Trajico ng Kawit Police Station, dakong alas-10:00 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Kawit MPS sa Brgy. Congbalay, Kawit, Cavite kung saan mismong ang lider ng Abelardo Gutierrez drug group ang kanilang katransaksiyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa nasabing suspek.

Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang ilang sachet ng shabu at buy-bust money.

Si Gutierrez ay pangalawa na sa mga lider ng drug group na naaresto sa lalawigan ng Cavite matapos na naunang maaresto ang lider ng Sarimos drug group na si Joel Sarimos, 40, tinaguriang high value individual, noong Enero 27 dakong alas-11:00 ng gabi sa Dasmariñas City, kung saan ay P103,500 halaga ng umano’y shabu ang nasamsam. (SIGFRED ADSUARA)

190

Related posts

Leave a Comment