INIHAYAG ni Senador Imee Marcos na kailangang kilalanin ang internet access bilang pangunahing karapatan sa kaparehong lebel ng kuryente at tubig.
Ayon kay Marcos, ang pagtatatag ng lifeline rate para sa paggamit ng internet ay kasing importante ng desisyon ng bicameral conference committee nitong Martes na palawigin ang lifeline rate sa pagkonsumo ng kuryente hanggang 2051.
“Kailangang makaagapay o makasabay ng mga Pilipino sa mga hamong hindi lamang dulot ng pandemya ng COVID-19 kundi nitong 21st century. Matutugunan ng lifeline rate ang pangangailangan at hangarin ng bansa,” sinabi ni Marcos.
“Puro na lang daldal na magkakaroon ng libreng internet sa mga pampublikong lugar, pero kulang naman sa badyet, walang malinaw na plano, at bigong makipag-ugnayan sa mga pribadong
telcos,” dismayadong pahayag ni Marcos na tumutukoy sa napakabagal na implementasyon ng Republic Act 10929, na tinatawag ring Free Internet in Public Places Act.
Inihain ni Marcos ang Senate Bill 2102 upang maitatag ang “broadband and data lifeline rate” para sa paggamit ng internet, sabay ang pag-aamyenda sa Public Telecommunications Policy Act of the Philippines.
Sa ilalim ng panukala ni Marcos, ang lifeline rate para sa paggamit ng internet ay magbibigay ng iba’t ibang diskwento sa “household beneficiaries” o nasa bahay at mga “marginalized end-users” o nakararaming mahihirap na gumagamit ng internet. (ESTONG REYES)
193
