MAIPAGMAMALAKI ANG BACLAYON CHURCH

Ni Ann Esternon

 

Hindi pa siguro alam ng nakararami ang ibang magagandang puntahan sa ating bansa. Marami rin ang hindi pa nakadidiskubre ng mga lumang istraktura gaya ng simbahan sa malalayong lugar tulad ng Baclayon Church sa Bohol.

Ang La Purisima Concepcion de la Virgen Maria Parish Church o mas kilala sa tawag na Baclayon Church ay isa lamang sa mga pinakamatandang simbahan sa Bohol at sa buong bansa.

Nagsimula ang kuwento nito sa panahon pa ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas sa pangunguna ng mga Kastilang misyonaryong sina Fr. Juan de Torres at Fr. Gabriel Sanchez.

Ang naturang simbahan ay maraming sitwasyong dinaanan bago nabuo nang tuluyan. Ang kauna-unahang pagtayo nito ay noong 1596. At gaya ng ibang simbahan ay nagsimula sa maliit na konstruksyon at mahihinang materyales ang Baclayon Church. Noong una ay yari ito sa kawayan at pawid hanggang noong 1717 ay tuluyan nang nakapagtayo ng mas mataas at mas matibay na simbahan na may 21 metrong taas ng bell tower. Sa pamamagitan ng puwersahang pagtatrabaho ng 200 katao sa lugar na ito ay natapos ang Baclayon Church noong 1727.

Ang matibay na simbahang nayari ay mula sa coral stones sa dagat at hinati sa hugis bloke. Hinaluan din ito ng mahigit 2,000 mga itlog. Nabuo naman ang bell tower noong 1835.

Idineklara ng NHCP (National Historical Commission of the Philippines) na isang Historical cultural value ang nasabing simbahan, na itinanghal rin na National Cultural Treasure ng National Museum.

Noong Oktubre 15, 2013 niyanig ng magnitude 7.2 lindol ang Bohol at isa ang Baclayon Church sa nasirang mga simbahan. Ang dalawa pang grabeng nasira ng malakas na lindol ay ang Holy Trinity Church sa Laoy at Santa Cruz Parish Church sa Maribojoc.

Sa unang bahagi ng 2018 ay muling binuksan sa publiko ang Baclayon Church kung saan pinangunahan ni NHCP Chairman Rene Escalante ang seremonya sa simbahan na kakatapos lang noon na sumailalim sa restoration.

350

Related posts

Leave a Comment