“MADYIK 12” sa SURVEY

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

NITONG PEBRERO 1, may inilabas na pastoral letter si Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David, pangulo ng Catholic Bishop Conference of the Philippines. Pagkatapos kong basahin, napaiisip ako bilang kasapi ng Simbahang Katoliko Romano sa Pilipinas. Ito ang isang bahagi ng liham ni Cardinal Ambo.

“Abandon hope all ye who enter here…’ are the haunting words written at the entrance of the descent into hell in Dante Alighieri’s L’inferno. What the author was writing about in the context of his time’s political turmoil and moral decay can mirror today’s Filipino people wrestling with hopelessness, striving to find hope amidst adversities….

….May pag-asa pa nga ba?” (Is there still hope?) Whom do we turn to?

As we reflect on these situations, we realize that the first thing we need to do is to examine ourselves and pursue the path of personal, institutional, and ecclesial conversion in order to rediscover hope”.

Isa ako sa tinatayang 85 porsyento ng mga Pilipino na kasapi sa Simbahang Katoliko. Malaking mayorya sa bansa.

Pero sa nagaganap ngayon na mas lumalawak na korupsyon sa gobyerno, patuloy na pagbulusok sa kahirapan ng taong bayan, pero walang pakialam ang maraming mamamayan, hindi ko mapigilang magtanong – may naging pagkukulang ba ang aming simbahan at kami bilang kasapi?

Ang mga pari at obispo na HINDI KO NAMAN NILALAHAT, ay madalas tahimik lang sa umiiral na kawalang katarungan sa paligid at mas pokus pa nila ang panghihingi ng donasyon sa kanilang parokya at diyosesis. Kabilang sa madalas na target nila ng donasyon ay mga politiko, mga opisyales ng gobyerno at ang mga nagtatamasa sa materyal na yaman at rangya.

Sa ganitong sitwasyon, hindi ko mapigilang magtanong – may pag-asa pa bang maging instrumento ang simbahan tungo sa positibo at makabuluhang pagbabago ng bawat kasapi para sa kapakinabangan ng lipunan? Kung ang pastol ay walang muwang sa kanyang paligid at nakapokus lang siya sa kapakanan ng kanyang sarili, parokya at diyosesis, ang mga tupa pa kaya ang hindi magkawatak-watak, magdedmahan sa isa’t isa at lalong walang pakialam sa kanyang gobyerno?

Ikaw, Katoliko ka, nag-iisip ka rin ba? Kung hindi, wala na nga tayong pag-asang magbago.

##########

Parang kabuteng nagsusulputan ngayon sa Facebook at traditional media – radyo, TV at peryodiko – ang iba’t ibang survey sa mga aspiranteng senador o tungkol sa “madyik 12” na malamang daw ay mananalo sa eleksyon sa Mayo.

Kung ang magwawagi ay ang mga nakalistang nangunguna raw sa survey, ibig sabihin ay hindi natuto ang mga botanteng Pilipino sa karanasan na ilang beses na silang nabudol, hindi isinaalang-alang ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa at ang patuloy na paghihirap ng maraming mamamayan. Huwag na tayong umasa na magkakaroon ng positibong pagbabago sa Pilipinas pagkatapos ng eleksyon dahil ang mayoryang bubuo sa Senado ay iisa ang likaw ng utak – ang manatili sa kapangyarihan para sa proteksyon ng kanilang sariling interes.

Isang seryosong katungkulan ang nasa balikat ng Senado. Ang kahalagahan ng gawain nila ay malaki ang implikasyon sa bansa at buhay ng bawat Pilipino. Nararapat lang na ang sinomang senador ay may angkop na kakayahan at pinag-aralan upang lubusang magampanan ito.
HUWAG na HUWAG gawing basehan ang survey sa gagawing pagdedesisyon kung sino ang iboboto. Alisin ang mentalidad na sugal ang eleksyon at ang dapat na iboto ay ‘yung mga sikat at llamado na nangunguna sa survey. IKAW na mamamayang Pilipino ang dapat magpasya kung sino ang pagtitiwalaan mo ng sagradong boto pagkatapos ng iyong matalinong pagsusuri kung kanino mo ito ipagkakaloob. Nakasalalay sa darating na eleksyon ang kinabukasan ng ating Inang Bayan at susunod na henerasyon. Maawa tayo sa kanila

Kaya, por Diyos, por Santo…huwag tayong boboto sa sinomang kandidatong senador na nakilala lamang dahil artista, sikat na personalidad, komedyante at mga wala namang alam maliban sa umepal at maging payaso. Marami na tayong ganyang senador ngayon. Kaya ano ang kalagayan ng Pilipinas at ng mamamayan?

Iboto natin ang karapat-dapat. Huwag natin gawing circus ang Senado. HUWAG tayong maging TANGA sa pagpili sa araw ng eleksyon.

##########

Pebrero na naman. Ito ‘yung tinatawag ng erpat ko na panahon ng kambyo-klima. May oras na malamig pero biglang kakambyo ng init. Kapag mahina ang naturalesa ng pulmon ay tiyak na mauuwi sa sakit – ubo, sipon, asthma, trangkaso etc. Mas lalong mahigpit ang pangangailangan ngayon na maging maingat at mapangalaga sa kalusugan lalo na ang senior citizens.

Magpaturok ng anti-flu at anti-pneumonia vaccines. Kailangang-kailangan ito sa depensa laban sa sakit.

Isang payo sa senior citizens at maski hindi pa tanders – kumunsulta sa doktor isang beses isang taon. Huwag hintayin na may sakit na bago ito gawin. Mas malaki ang inyong gagastusin sa pagpapagamot.

Baluktot kasi ang argumento na bakit magpapatingin sa doktor gayung wala namang sakit. Sayang lang daw ang pera. Mali. Kumplikado kasi ang katawan ng tao lalo na ang tumatanda na. Akala ay okay lang dahil walang nararamdaman, ‘yun pala naman ay nagkakaroon na nang depekto sa loob. At sa oras na magkasakit na ay saka pa lang pupunta sa doktor.

Ang resulta kadalasan – grabe na.

40

Related posts

Leave a Comment