Ni Ann Esternon
Madalas nating marinig na ang pag-alalaga sa mga hayop na panloob ng bahay ay may dalang mabuting benepisyo sa ating kalusugan.
Noon kasi ang mga aso at pusa ay ginagawa lamang na mga bantay sa bahay. Ganoon lang kasi natin nakikita ang kanilang mga silbi – ang mga aso bilang pangontra sa mga masasamang loob na aatake sa bahay habang ang mga pusa naman ay bantay sa makukulit na daga na namemeste lamang sa loob ng bahay. Ngayon nag-iba na ang ihip ng panahon. Ibang lebel na kung tratuhin natin ang mga aso at pusa.
Mayroon tayong nakukuhang unlimited fun and affection sa pag-aalaga ng aso o pusa kaya naman parami nang parami ang mga nag-aalaga nito. Marami na kasi ang parang ngayon lang naka-realize na iba ang naibibigay na sukli nila lalo na kapag alam ng mga alagang hayop na ito – o tinatawag ngayong fur babies – na tunay silang minamahal ng kanilang amo o mas tamang sabihing fur parents.
Ngunit maliban sa matatamis na ngiti na naibibigay ng pets sa fur parents ay napatunayan ding stress busters sila. Kaya nilang makatanggal ng stress, anxiety at depression kaya naman nalalayo tayo sa heart attack, insomnia o kahirapan sa pagtulog lalo sa gabi.
May pag-aaral din na kahit ang panonood lang ng videos ng mga pusa at aso ay nakatutulong para maging maganda ang emosyon ng isang taong nalulungkot o dumaraan sa pagsubok sa buhay. Karamihan sa mga naging bigo sa pag-ibig o mga namatayan ng mga mahal sa buhay ay kumukuha ng lakas at inspirasyon sa mga alagang hayop para magpatuloy muli sa buhay.
Nasa pag-aaral din na kapag ang isang sanggol na wala pang isang taong gulang at exposed sa pusa ay lumiliit ang tsansang magkaroon ng lahat ng klase ng allergies.
Tulad din ng tao dapat ay buo rin ang atensyong naibibigay sa mga alagang hayop para makuha ang unlimited fun and affections mula sa kanila. Nakalulungkot din naman para sa fur babies at fur parents na ang isa sa kanila’y magkasakit kaya naman sa sitwasyong ganito ay hindi dapat mapabayaan ng huli ang kanilang mga alaga.
Bonus ding malaman na kapag nakikita kayong may alagang mga aso at pusa ay nagiging attractive kayo sa paningin ng ibang tao.
759