INIIMBESTIGAHAN ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) kung sino o anong grupo ang nasa likod ng pagpapakalat ng limang kabaong sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila nitong madaling araw ng Biyernes, Agosto 7.
Ayon sa ulat, ang mga kabaong na may mga mensaheng laban sa China at Communist Party of the Philippines (CPP) ay natagpuan sa Sta. Cruz, Maynila; Barangay 54 sa Caloocan City; Barangay South Triangle at Barangay Sta. Teresita sa Quezon City; at Gil Puyat Avenue sa Makati City.
Ayon sa NCRPO, sadyang iniwan ang mga kabaong ng mga nakamaskarang sakay ng puti at kulay-abong mga van bandang alas-2:00 hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Sinabi ng pulisya na ang mga kabaong ay may mga tarpaulin na naglalaman ng anti-CPP at anti-China messages, kabilang ang mga larawang kahawig nina Chinese President Xi Jinping, Chinese Foreign Minister Wang Yi at Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan.
Nangako ang NCRPO na matutukoy ang mga responsable sa insidente at magsasampa ng kaukulang kaso kapag natapos ang imbestigasyon.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang magkakahiwalay na insidente at kung ano ang motibo ng mga nasa likod ng pagpapakalat ng mga kabaong.
(JESSE RUIZ)
78 