IBINIDA ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na limang tauhan ng New People’s Army (NPA) death squad ang namatay sa engkuwentro sa mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Disyembre sa Baras, Rizal.
Idiniin ni Año na “kumpirmadong” mga kasapi ng NPA death squad ang limang napatay ng mga sundalo sa Brgy. San Juan, Rizal.
Plano umanong pumatay ng mga opisyal ng pamahalaan at mga lider ng organisasyong masa ang nasabing pangkat, batay sa utos ni Jose Maria Sison.
Si Sison na noon pang 1987 naninirahan sa The Netherlands, ang punong tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) noong Disyembre 1968. Noong Marso 29,1969 ay itinatag ang NPA, armadong yunit ng CPP.
Nitong ika-52 anibersaryo ng CPP, inanunsyo ng isang opisyal ng komite sentral ng CPP na plano nilang muling itatag ang makinaryang papatay sa mga opisyal ng pamahalaan, AFP at Philippine National Police (PNP) na mayroon umanong “utang na dugo” sa mamamayang Filipino. (NELSON S. BADILLA)
183
