Sa umento sa PhilHealth premium SUSPENSYON NI PDU30, ILEGAL?

IPINASUSUSPINDE ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtaas sa buwanang hulog ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong Lunes.

Ngunit walang inilabas na executive order (EO) si Duterte upang maging legal ang kanyang utos laban sa 3.5 porsiyentong umento. Nangangahulugang ilegal at kuwestyonable ito.

Nabatid ng mga mamamahayag na ang paspasang desisyon ni Duterte ay batay sa udyok umano ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go. Tserman si Go ng Senate Committee on Health.

Ang pagtaas sa kontribusyon ng PhilHealth ngayong 2021 ay nakasaad sa Republic Act 11223, o ang Universal Health Care Act.

Malaking palaisipan sa pamunuan ng PhilHealth at Department of Health (DOH) kung paano ipatutupad ang utos ni Duterte dahil walang nakasaad sa RA 11223 na suspensiyon sa umento sa kontribusyon sa PhilHealth.

Batay sa rekord ng Senado, mayroong ipinasang panukalang batas si Senadora Imee Marcos na nag-aatas sa PhilHealth na isuspinde ng isang taon ang umento sa kontribusyon nito dahil sa negatibong epekto sa sahod ng mga kasapi ng ahensiya at negosyante bunga ng COVID-19. Hindi pa ito nasimulang talakayin ng Senado.

Kailangan ding magpasa ng sariling bersiyon ang Kamara de Representantes alinsunod sa proseso ng paggawa at pagpasa ng batas sa Pilipinas.

Pabor ang NAGKAISA Labor Coalition na umaksiyon si Duterte laban sa kontrobersiyal na umento dahil ito ang panawagan ng nasabing alyansa ng mga unyon at pederasyon ng mga manggagawa sa lahat ng panig ng bansa.

Ngunit inilinaw ng pinuno ng NAGKAISA sa SAKSI Ngayon, na si Atty. Jose Sonny Matula, na kailangan ng EO dahil ito ang legal na proseso. (NELSON S. BADILLA)

125

Related posts

Leave a Comment