LOBOC RIVER, PAIILAWAN – SEN. LAPID

BILANG bahagi ng pagpapalago ng turismo, sinabi ni Senador Lito Lapid na pag-aaralan ang posibilidad na pailawan ang Loboc River sa Bohol na dinarayo ng mga turista dahil sa floating restaurants dito.

Sa ginawang inspeksyon, inihayag ni Lapid na hiniling sa kanya ni Loboc Mayor Raymond Jala ang posibilidad na pondohan ang pagkakabit ng mga ilaw upang makapag-operate kahit sa gabi ang Loboc river cruise.

Sinuspinde ni Mayor Jala ang panggabing operasyon ng mga floating restaurant matapos masira ng bagyo kaya nagdilim ang lugar at nagkaroon ng posibilidad ng panganib sa mga turista na dumadagsa sa pamosong tourist destination.

Pag-uusapan pa ani Lapid kung paano iimplementa ang hiniling na proyekto, katuwang ang Department of Tourism at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na pinamumunuan ni Mark Lapid.

Si Senador Lapid ang chairman ng Senate committee on Tourism.

Ikinagalak naman ni Mayor Jala ang pagtulong ni Lapid para maibalik ang night operation ng Loboc River Floating Restaurant.

(Danny Bacolod)

23

Related posts

Leave a Comment