NASABAT ng tropa ng 6th Infantry (Redskin) Battalion ang iba’t ibang armas at pampasabog matapos mapigilan ang sagupaan sa pagitan ng dalawang armadong grupo sa Brgy. Ganta, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Al Victor C. Burkley, commanding officer ng 6IB, nakatanggap sila ng sumbong mula sa mga residente tungkol sa engkwentro sa pagitan ng armadong grupo na pinamumunuan ni Badrudin Dagandal at pangkat ni Bendao.
Bilang tugon, agad nagresponde ang mga sundalo bandang alas-6:00 ng umaga, na nagresulta sa agarang pag-atras ng mga ito nang makita ang presensya ng tropa ng pamahalaan.
Sa isinagawang clearing operation, narekober ng mga sundalo ang dalawang cal .30 Garand rifles na na-convert sa M14 rifles, isang granada, at tatlong bandolyer.
Ang nakumpiskang mga kagamitang pandigma ay kasalukuyang nakalagak sa himpilan ng 6IB para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.
Dahil dito, inalerto na ni Brigadier General Edgar L. Catu, commander ng 601st Brigade ang mga yunit ng militar sa nakasasakop sa pinangyarihan ng insidente upang tugisin ang tumakas na mga armadong grupo. “Nais kung matuldukan na ang mga ganitong girian, kaya patuloy ang mga diyalogo sa ating mga kababayan na isuko ang loose firearms para maiwasan na magamit sa kaguluhan,” saad pa ni Brig. Gen. Catu.
Samantala, pinuri naman ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry Division at JTF-Central, ang agarang pagsumbong ng mga sibilyan ukol sa presensya ng mga armado. “Ang pagpapakita at pagdadala ng mga baril ay malinaw na paglabag sa gun ban na itinakda sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11067 ngayong panahon ng halalan. Ang inyong mabilis na pagsumbong ang susi upang maagapan ang anomang masamang balakin nitong mga armadong grupo.”
Dagdag pa ni Maj. Gen. Gumiran, hindi mangingiming gumamit ng pwersa ang militar kung patuloy ang mga ganitong labanan, lalong-lalo na kung naaapektuhan ang mga inosenteng sibilyan. Nanawagan din siya sa lahat ng mga armadong grupo na itigil na ang karahasan at makipagtulungan sa pamahalaan para sa mas matatag at mapayapang rehiyon.
(JESSE KABEL RUIZ)
