MARIING inihayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na walang planong magsagawa ng lockdown sa kahit na anong lugar sa lungsod hanggang katapusan ng 2020.
Ayon sa alkalde, walang katotohanan ang naglalabasang ulat sa social media.
“Wala pong plano ang pamahalaang lungsod ng Maynila na mag-lockdown hangang matapos ang December 31, 2020. I hope maliwanag,” pahayag ng alkalde.
Gayunman, idinagdag ng alkalde na handa silang magpatupad ng lockdown kung ito ay kinakailangan.
“Share this portion na walang planong mag-lockdown ang pamahalaang lungsod except kung me mangyaring hindi maganda…unless magpabaya kayo, baka mapilitan tayo,” ayon sa alkalde na nanawagan din sa lahat ng mga taga-Maynila na laging sumubaybay sa kanyang official social media accounts at posts para magabayan at malaman kung ano ang tama at totoo.
Tulad din ng karamihan, inamin ng alkalde na hindi rin siya nakakatulog sa pag-iisip ng mga paraan kontra COVID-19 upang mapanatiling ligtas ang Kamaynilaan.
“Hindi rin ako mapagkatulog dahil natatakot ako para sa inyo…na may ma-impeksyon sa inyo,” ayon kay Domagoso, kasabay ng paniniguro na ginagawa lahat ng pamahalaang lungsod ang paraan upang proteksyunan ang mamamayan na huwag maimpeksyon ng coronavirus.
Samantala, iniulat ng alkalde na ang occupancy rate ng mga kama para sa COVID-19 cases ay 25 percent na lamang.
Simula noong Disyembre 4, ang confirmed active cases sa lungsod ay 398 (31 dito ay new cases). Mayroon ding naitalang 676 deaths at 22,378 recoveries.
Sa kasalukuyan, 52,821 na ang sumailalim sa swab test, habang 119,320 ang sumailalim sa free serology tests na inaalok sa drive-thru at walk-in centers at city’s mobile clinic.
Lahat ng ito ay kaloob ng pamahalaang lokal nang libre kahit hindi taga-Maynila. (RENE CRISOSTOMO)
