MAHIGIT sa P1.3 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang lola, matapos maaresto sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Caloocan City nitong Biyernes ng madaling araw.
Ayon kay Caloocan Police chief, Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-2:00 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo, sa #1036 St., Barangay 33, Maypajo matapos ang mahigit isang linggong validation.
Nakabili ang isang undercover cop na umaktong poseur buyer, ng P40,000 halaga ng shabu mula sa target na si Venancia Malonzo alyas “Madam,” 60, (watch listed).
Nang iabot ni Malonzo at ng kasama nito na si Mark Adao, 37, (watch listed), ang isang medium plastic sachet ng shabu sa buyer kapalit ng marked money ay agad silang inaresto ng mga operatiba.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 180 gramo ng shabu na P1,224,000 ang halaga, marked money at cellphone.
Nauna rito, alas-9:00 noong Huwebes ng gabi nang masakote ng mga operatiba ng SDEU sa buy-bust operation sa Phase 1, Package 3, Block 38, Lot 9, Brgy. 176 ang suspek na si Teodoro Capate, 44, at nakumpiska ang 15 gramo ng shabu na tinatayang P102,000 ang halaga at buy-bust money. (FRANCIS SORIANO)
