NANAWAGAN ang Lawyers’ Committee for Social Progress (LCSP) na isama sa Immigration Lookout Bulletin ang mga kasapi ng tinaguriang small committee ng Mababang Kapulungan na responsable sa bicameral insertions sa 2025 national budget.
Giit ng grupo, mismong si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang nagpatunay na ang P96-milyong Wawao Ghost Flood Control Project sa Plaridel, Bulacan ay isang Bicam insertion. Anila, isa lamang ito sa tinatayang P410 bilyong pisong kwestiyonableng alokasyon na ipinasok sa pambansang pondo.
Pinunto ng LCSP na malinaw ang mandato ng Saligang Batas—Artikulo VI, Seksyon 1 at 2 na nag-aatas sa Kongreso na maglaan ng pondo nang responsable, at Artikulo IX-B na humihiling ng transparency at accountability sa paggastos ng pondo publiko.
“Ginampanan ba ni Cong. Zaldy Co at ng kanyang mga kasamahan sa Small Committee ang kanilang konstitusyunal na tungkulin nang may katarungan, katapatan at mabuting loob?” tanong ng LCSP sa kanilang pahayag.
Si Co, na kasalukuyang nasa labas ng bansa umano para magpagamot, ay chairman ng nasabing komite. Kasama rin niya ang ilang kongresistang inaakusahan ngayong may kinalaman sa mga ilegal na insertion.
Ayon sa LCSP, dapat nang isailalim sa Immigration Lookout Bulletin si Co at iba pang miyembro ng Small Committee bago pa muling magdahilan ng pagkakasakit upang makaiwas sa posibleng pananagutan.
222
