HABANG papalapit ang May 9, 2022 local and national elections, mas pinaigting ng PNP-PRO5 ang kampanya kontra loose firearms at private armed groups (PAGs).
Ito ay upang tiyakin ang matapat, ligtas, maayos at malayang pagpili at pagboto ng publiko sa kandidatong kanilang napupusuan bilang mga lider.
Maaga pa lang ay inalerto na ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, RD, PRO5, ang buong hanay ng pulisya ng Bicol upang patuloy na subaybayan ang sitwasyon at maagapan ang ano mang insidente na maaaring maganap sa nalalapit na pagsisimula ng kampanya bago ang araw ng eleksyon.
Kasama sa mga binigyang prayoridad ng pulisya ang kampanya laban sa mga naglipanang hindi lisensyadong baril. Sa katunayan simula Enero 1 hanggang Nobyemre 30, 2021, nakumpiska ng PNP-PRO5 ang 1,254 iba’t ibang klase ng baril mula sa 1,423 operasyong nailunsad nito.
Umabot naman sa 1,936 ang naisukong mga baril na kasalukuyang nasa pangangalaga ng pulisya para sa “safekeeping”. Nagbunga rin ito sa pagkakahuli sa 527 indibidwal, kabilang ang 516 sibilyan; 10 mga kawani ng gobyerno; 1 tauhan ng militar; 1 pulis; at isang dayuhan dahil sa paggamit ng loose firearms.
Mahigpit ding ipatutupad ng PNP Bicol ang election gun ban simula Enero 9-Hunyo 8, 2021
Tiniyak din ng PNP-Bicol ang mas pinalawak at walang humpay na operasyon laban sa Private Armed Groups (PAGs) na madalas gamiting instrumento ng politiko sa pananakot at paghahasik ng karahasan sa mga botante at maging sa mga kandidato.
“Kami sa aming hanay ay patuloy sa pagtupad ng aming tungkulin upang siguruhin ang kaayusan at kaligtasan sa buong rehiyon.
At sa paparating na eleksyon, puspusan din ang ating pagsisikap at paghahanda upang maiwasan ang kaguluhan at kriminalidad sa panahon ng eleksyon,” ayon kay RD Estomo. (JESSE KABEL)
