AALAMIN sa mabababang kapulungan ng Kongreso kung bakit pinatawad o hindi pinagbayad ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang ABS-CBN sa kanilang utang na umaabot sa mahigit P1.6 bilyon.
Ito ang sentro ng House Resolution (HR) na inakda ng pitong mambabatas na kinabibilangan ni presidential son at Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte dahil hindi nito matanggap na hindi
pinagbayad ang pamilya Lopez sa kanilang napakalaking pagkakautang sa nasabing bangko.
Kabilang sa mga mambabatas na kasama ni Duterte na nagpapa-imbestiga sina DUMPER PTDA Rep. Claudine Diana Bautista, ACT-CIS Rep. Eric Yap, Anakalusugan Rep. Mike Defensor, Cavite Rep. Elpidio Barzaga, Jr., Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Cavite Rep. Jesus Crispin “Boying”
Remulla.
“Noong 2006 o panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ay ni-write off o hindi na [pinabayaran] ng DBP sa pamilyang Lopez ang nasabing utang kaya nawalan ng P1.67 Billion ang
sambayanang Filipino.
Isa ito sa mga ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Lopez partikular na kay Eugenio “Gabby” Lopez III kaya pinaimbestigahan niya ang nasabing usapin upang malaman kung sino ang
pumayag na huwag nang pabayaran sa nasabing pamilya ang kanilang utang na pera ng bayan.
Kabilang sa mga utang ng pamilya Lopez ang P710.86 million loan para sa Maynilad Water; P591.81 million para sa BayanTel; P207.10 para sa Central CATV Inc., habang Benpress Holding na
ngayon ay Lopez Holding Corporations ay umaabot sa P157.95 million o kabuuang P1.667 billion ang hindi pinabayaran sa kanila.
“Whereas, the impact of the lost of PhP1.6 Billion is further compounded by the urgent need of funding for government to address the on-going global pandemic,” ayon sa resolusyon.
Luging-lugi rin umano ang taumbayan dito dahil sila ang nawalan habang patuloy na namumuhay nang marangya ang pamilya Lopez.
Dahil dito, kailangang habulin umano ang nasabing pera dahil walang dahilan para hindi pagbayarin ang mga Lopez sa kanilang utang lalo na’t bilyon-bilyon pa rin umano ang assets ng
mga ito sa iba’t ibang kumpanya na patuloy sa paghakot ng kita. (BERNARD TAGUINOD)
