LPG PLAYERS, INALMAHAN PUBLIC CONSULTATION SA DOE DAHIL SA UMANO’Y IREGULARIDAD

UMALMA ang National LPG Alliance of the Philippines Inc. (NLAP) at iba pang independent LPG dealers at stakeholders sa isinagawang public consultation ng Department of Energy (DOE) hinggil sa panukalang guidelines para sa LPG Cylinder Swapping Centers dahil sa umano’y iregularidad sa proseso.

Ginanap ang konsultasyon sa DOE gym sa Taguig City sa pangunguna ng Oil Industry Management Bureau (OIMB).

Ayon kay NLAP President Jose “Jojo” Cruz, kuwestiyonable umano ang paunang proseso dahil limitado sa dalawang kinatawan lamang ang pinapayagang dumalo sa conference room at hindi rin pinahihintulutan ang media.

“Base sa sulat kasi sa amin, limitado sa 2 attendees lang ang allowed na dumalo sa Conference room at bawal pa ang mga media. Kaya nakakagulat itong public consultation nila, doon pa lang may mali na sa proseso. Kaya I raised my concerns about it,” ani Cruz.

Dahil dito, tumanggi umano si Cruz na umakyat sa meeting noong Nobyembre 12 hangga’t hindi nabibigyan ng pagkakataong makadalo ang iba pang LPG players, stakeholders at end consumers.

Isang oras bago magsimula ang konsultasyon, napilitan ang DOE-OIMB na ilipat ang aktibidad sa mas malawak na lugar upang mabigyan ng pagkakataong makalahok ang maliliit na dealer, supplier at mga mamimili.

Samantala, sinabi ni Independent LPG Dealers Association of the Philippines (ILDAP) President Nestor Pullente na nakaranas siya ng panggigipit mula sa ilang malalaking kumpanya ng LPG kaya naniniwala siyang dapat gobyerno ang mamahala sa pagpapatupad ng LPG Cylinder Swapping Centers.

“Hindi pa man naipatutupad ang batas na yan, unti-unti na kaming nauubos dahil sa mga tampering at panghuhuli. Lalo na kapag napatupad ito at pribado ang humawak, ubos kami in 2 years,” pahayag ni Pullente.

Inilapit din niya ang kanyang reklamo kay Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Boy Evangelista.

Personal namang nagtungo si Evangelista sa DOE upang ipaabot sa kalihim ang reklamo at obserbahan ang isinagawang konsultasyon.

“We will be watchful for the outcome of this complaint and hopefully the DOE will review this thoroughly before implementation of LPG Swapping Centers,” ani Evangelista.

Ayon sa ulat, ipagpapatuloy ng DOE-OIMB ang public consultation sa mga susunod na linggo upang higit na matalakay at mabigyang-linaw ang mga isyung ibinabato ng mga stakeholder bago ipatupad ang panukalang guidelines.

79

Related posts

Leave a Comment