NEPOMUCENO, NAG-IWAN NG MAS MATATAG AT MAS PINAGKAKATIWALAANG BUREAU OF CUSTOMS

NAG-IWAN ng mas matatag, mas nagkakaisa at higit na pinagkakatiwalaang institusyon si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa paghahanda niyang ipasa ang pamumuno ng Kawanihan sa susunod na mamumuno nito.

Sa inilabas na pahayag ng BOC, sinabi na higit pa sa mga nakamit sa pangongolekta ng kita at pagpapatupad ng batas ang pamana ni Nepomuceno, dahil naitatag din niya ang mga repormang nagpalakas sa integridad, pananagutan at modernisasyon ng ahensya.

Mula nang maupo sa puwesto noong Hulyo 2025, itinaguyod ni Nepomuceno ang programang Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) bilang pangunahing direksyon ng kanyang administrasyon.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakalikom ang BOC ng ₱1.327 trilyon mula sa taripa at buwis mula Hulyo 2025 hanggang Oktubre 2026.

Mula Enero hanggang Oktubre 2026, umabot naman sa ₱853.662 bilyon ang nakolektang kita, na lumampas ng ₱7.14 bilyon sa itinakdang target para sa naturang panahon.

Pinalakas din ng BOC ang kampanya laban sa ilegal na kalakalan at pagpupuslit ng mga kontrabando sa pamamagitan ng 1,452 operasyon, kabilang ang mga intelligence-driven operation, na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga ilegal na produkto na nagkakahalaga ng ₱50.93 bilyon.

Kabilang sa mga nakumpiskang produkto ang ilegal na droga, pekeng produkto, mapanganib na kalakal at iba pang kontrabando.

Bukod sa pangongolekta ng kita at pagpapatupad ng batas, itinulak din ni Nepomuceno ang digitalisasyon, pagpapasimple ng mga proseso at pagpapalawak ng pakikilahok ng publiko sa mga programa ng Kawanihan.

Isa sa mahahalagang repormang ipinatupad sa kanyang administrasyon ang pagpapalawig ng bisa ng akreditasyon ng mga importer, customs broker at exporter mula isang taon tungo sa tatlong taon upang mabawasan ang paulit-ulit na administratibong proseso at mapagaan ang mga kinakailangan sa regulasyon.

Pinagtibay rin ang mga hakbang sa ilalim ng IAM Movement upang palakasin ang transparency, wastong asal at propesyonalismo ng mga opisyal at kawani ng Customs.

Binigyang-pansin din ni Nepomuceno ang pagpapahusay sa kakayahan ng mga kawani upang matiyak na magpapatuloy ang mga reporma at mahusay na matutupad ng Kawanihan ang mandato nito.

Sa kanyang mensahe sa mga kawani, kinilala ni Nepomuceno na ang mga nakamit ng BOC ay bunga ng sama-samang pagsisikap at dedikasyon ng buong organisasyon.

“Maraming salamat sa inyong lahat sa suporta at dedikasyong ipinakita ninyo habang sama-sama nating isinusulong ang ating layunin na baguhin at pagandahin ang Bureau of Customs. Dahil sa inyong dedikasyon at pagsusumikap, napakarami nating naisakatuparan, at ngayon ay mas matatag, mas iginagalang, at higit na nauunawaan ng publiko ang ating institusyon,” pahayag ni Nepomuceno.

Hinimok din niya ang mga kawani na ibigay sa susunod na mamumuno ng BOC ang kaparehong tiwala, pakikipagtulungan at dedikasyong ipinakita nila sa kanyang administrasyon.

Ayon sa BOC, bagama’t bahagi ng normal na proseso sa pamahalaan ang pagpapalit ng pamunuan, inaasahang magpapatuloy ang mga reporma at kulturang itinaguyod ni Nepomuceno bilang bahagi ng pangmatagalang pag-unlad ng Kawanihan.

Ipinakikita ng kanyang panunungkulan na ang mga makabuluhang pagbabago sa isang institusyon ay nagiging posible sa pamamagitan ng lideratong may matibay na prinsipyo at organisasyong nagkakaisa sa pagtupad sa tungkulin nito.

(JESSE RUIZ)

38

Related posts

Leave a Comment