OVERCHARGING AT UNDERCHARGING SA PAMASAHE PAGLABAG SA PRANGKISA — LCSP

PAREHONG itinuturing na paglabag sa prangkisa ang paniningil ng mas mataas (overcharging) at mas mababang (undercharging) pasahe kaysa sa itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ito ang paliwanag ni Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) founder Atty. Ariel Inton kaugnay ng mga reklamo sa overcharging at undercharging sa pampublikong transportasyon na saklaw ng mga regulasyon ng LTFRB.

Ayon kay Inton, sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01, kapwa itinuturing na franchise violation ang dalawang uri ng paglabag sa itinakdang pamasahe.

Karaniwang reklamo ng mga pasahero ang overcharging dahil direktang naaapektuhan sila ng paniningil ng sobrang pamasahe. Gayunman, maaari ring ireklamo ang undercharging, partikular kung ginagamit ito ng isang operator upang makakuha ng kalamangan laban sa mga kakumpitensya sa parehong ruta.

Pareho rin ang parusang ipinapataw sa dalawang paglabag: P5,000 na multa sa unang offense; P10,000 na multa at impoundment ng sasakyan sa ikalawang offense; at P15,000 na multa at pagbawi ng prangkisa sa ikatlong offense.

Binigyang-diin ni Inton na binibigyan naman ng LTFRB ng pagkakataon ang mga operator na ipaliwanag ang kanilang panig sa pamamagitan ng Show Cause Order bilang bahagi ng due process.

Ipinaliwanag din niya na kailangang kontrolin ang overcharging at undercharging upang maiwasan ang pagbaluktot sa fare matrix, hindi patas na kompetisyon sa negosyo at predatory pricing.

Gayunman, hindi itinuturing na undercharging ang mga promo fare kung bahagi ang mga ito ng estratehiya sa marketing ng operator, gaya ng mga promosyon tuwing off-peak hours o panahon na mababa ang demand.

Mahigpit ding kinokontrol ng pamahalaan ang pamasahe sa pampublikong transportasyon, kabilang ang pagpapatupad ng mga diskwento para sa senior citizen, estudyante at persons with disabilities (PWDs).

Pinahihintulutan naman ng LTFRB ang mga libreng sakay na programa ng mga lokal na pamahalaan (LGUs), basta’t hindi naaapektuhan ang operasyon ng mga transport operator na may prangkisa sa rutang pinaglilingkuran ng libreng sakay. Maaari rin itong ipatupad kapag napaparalisa ang biyahe dahil sa welga o iba pang emergency.

Ilan pa sa mga diskarte ng ilang operator upang mapalaki ang kita ang cutting trip o tinatawag na “ulo-ulo,” gayundin ang pagdaragdag ng mga upuan na lampas sa itinakdang seating capacity ng sasakyan.

Dahil dito, mahalaga umanong patuloy na bantayan ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB ang pagpapatupad ng tamang pamasahe upang matiyak ang patas na sistema para sa mga tsuper, operator at pasahero.

82

Related posts

Leave a Comment