LUBOG NA SA PUTIK AT PUSALI ANG BUHAY NG FILIPINO

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

DAHIL sa rambulan at balimbingang pulitika sa bansa, pagtatayo sa sari-sariling interes ng mga partido at pamilyang politiko, sa halip na umangat, nalubog na sa putik at pusali ang buhay ng mga Filipino.

Walang direksiyong pulitika na kanya-kanya ng kabig sa kayamanan ng bansa kasabwat ang oligarkong nasa likod ng mga popular na politiko na pinopondohan ng bilyon-bilyong piso, walang pagkakataon ang matino, tunay na makabayang Filipino na manalo at maiangat ang unang Republika sa Asya.

Kawawang prutas na balimbing na naging simbolo ng malagim na bayan ng mga “Tambaloslos” at “Paru-Parong Linta” ng politikong Pinoy.

Dahil sa Partido Balimbing at karambolan at pansariling pulitika, imbes na maging matured at ganap na matatag ang Pilipinas, parang batang gusgusin at uhugin na kulelat sa karera sa paglago ng mga katabing bansa sa Asia.

Kaawa-awang Pilipinas!

***

Kahit na malayo pa ang 2028 presidential elections ay nag-aaway-away na ang matitino, bayarang maka-BBM, maka-Leni, maka-Duterte para kumabig ng mga partido, supporter na aangkas sa pag-testing kung sino ang dominanteng partido at kandidato na malaking-malaki ang tsansa na manalo pagkatapos ng termino ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ngayon pa lang laganap na ang party switching, paboritong prutas ang matamis, masustansiyang balimbing!

Kawawa ang paru-paro na ipinatutungkol sa kanila ang mga politikong walang buto, na sa konting kindat, kakapit at magpapalit sa partidong nasa poder at doon sila makikinabang.

Para silang prostitutes na palit nang palit ng partner basta may mahuhuthot na pera at pakinabang: only partners with benefits; linta ang mga politikong ‘pag wala nang dugong masisipsip, bibitaw sa kinapitan upang manipsip sa bagong biktima.

Sa Pinas, uso ang temporary, pansamantalang alyansa sa politika, at unang prinsipyo, saan partido o politikong may makukuhang pakinabang.

***

Noon ay dalawa lang ang political party sa bansa: Nacionalista Party (NP) na itinayo noong April 1907 nina dating Pres. Manuel L. Quezon at Pres. Sergio Osmeña para isulong ang pagkalas ng Pilipinas sa pananakop ng United States (US).

Matapos ang liberation sa kamay ng Hapones noong 1945, kumalas ang tropa ni dating Senador Manuel Roxas at itinayo ang Liberal Party (LP).

Ngayon, dear readers, alam n’yo ba, napakarami na ng political parties, mayroong kulang 200 political parties na ang accredited ng Comelec na ang tayo o sakop ay nasyonal at lokal, kasama ang party-list.

At, alam n’yo ba, sorry po, ang unang Balimbing Party ay ang LP na naging Yellow Party (YP) at naging Pink Party (PP) nina Leni Robredo at Kiko Pangilinan, na kalaunan nga ay naging Pinklawan pa.

Balimbing din pala si Ferdinand Marcos Sr. na dating LP na nag-NP para labanan ang kapartido noon na si Pres. Diosdado Macapagal sa presidential elections noong 1965.

At muli, nang ibagsak ni FM Sr. ang martial law (ML) noong 1972, itinayo niya ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) noong 1979 na naging dominanteng partido hanggang 1986.

Itong KBL naman ay binuo ng maraming LP na nag-over the fence sa NP para makinabang sa diktadurya ni FM Sr.

Sa panahon ng ML, itinayo ni dating Senate Pres. Aquilino “Nene” Pimentel Jr. ang Partido Demokratiko Pilipino na isinanib sa partido Lakas ng Bayan ni dating Sen. Ninoy Aquino noong 1983, laban sa KBL ni FM Sr.

Upang ibagsak si FM Sr., itinayo ni dating Sen. Salvador “Doy” Laurel ang United Nationalist Democratic Organization (UNIDO) na nakipag-alyansa sa PDP-Laban ni Pimentel na sumuporta sa kandidatura ni Cory Aquino noong 1986, na si Doy ang katiket na VP nito.

Ang PDP-Laban ang nag-endorso sa kampanya ni dating Pres. Rodrigo “Digong” Duterte.

Itinayo naman ni Fidel Ramos ang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) na nagpanalo sa kanya sa panguluhan: dati chairman emeritus dito si Lola Gloria Macapagal-Arroyo, pero sinibak ng presidente nito na si dating Speaker Martin Romualdez na naging dahilan ng pag-aalsa balutan ni VP Sara Duterte bilang co-chairman ni dating Sen. Bong Revilla Jr., the rest is history.

Noong 1992, itinayo ni Danding Cojuangco Jr. ang Nationalist People’s Coalition (NPC) na kanyang ginamit na behikulo para sa pagtakbo sa panguluhan pero nabigo dahil tinalo siya ni dating Pres. Fidel Ramos.

Aksyon Demokratiko (AD) na itinayo ni dating Sen. Raul Roco noong 1997 na kasalukuyang partido ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at sinakyan niya ring partido sa pagtakbo sa panguluhan noong 2022.

Noong 2011, nabuo ang National Unity Party (NUP) ng mga nadismayang kasapi ng Lakas Kampi CMD.

Bukod sa mga party-list na nakatali sa pusod ng Communist Party of the Philippines, may sariling party-list ang pami-pamilya ng nakaupong politiko at mayayamang oligarko para proteksyonan ang kanilang personal na interes at negosyo.

Mayroon ding partidong nagtataguyod raw laban sa korupsiyon, federalismo at equality raw tulad ng Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) na itinayo noong 1997 nina Jesus is Lord Worldwide Pastor Cong. Eddie Villanueva at Sen. Joel Villanueva.

Ewan kung buhay pa ang Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) ni Peping Cojuangco, Jr. at ang Lakas ng Bansa ni dating Sen. Ramon Mitra na itinayo noong 1988 sa pagkadismaya kay Tita Cory sa pag-endorso kay FVR na kandidatong pangulo.

Alam n’yo bang may Makabayan (Makabayang Koalisyon ng Mamamayan) na koalisyon ng 12 party-lists na itinayo noong 2009, na kabilang ang Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers, Anakpawis, GABRIELA, Kabataan, Katribu, Migrante, Akap-bata, COURAGE, Piston, Kalikasan, at Aking Bikolnon.

Pinaniniwalaan itong Makabayan ay partido ng namayapang Joma Sison ng CPP!

2018, itinayo ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na sumuporta kay dating Pres. Duterte at balitang nagbubuo na ng maraming alyansa para sa kandidatura ni VP Sara.

Masigla pa naman ang Partido ng Masang Pilipino, PMP (1991) na itinayo ni dating Pres./Manila Mayor Erap Estrada.

Buo pa kaya ang United Nationalist Alliance (UNA) ni dating VP Jejomar Binay na itinayo nitong 2016 sa pagkadismaya nang bitawan ng PDP-Laban na ikinatalo niya kay PRRD?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

81

Related posts

Leave a Comment