LUMA AT OVERPRICED NA DUMP TRUCK ISOSOLI

PINAGHAHANDAAN ngayon ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaue ang pagbabalik ng dalawang garbage truck na nagkakahalaga ng halos ₱22 milyon matapos mabunyag ang umano’y matinding overpricing at misrepresentation sa isang transaksyong nag-ugat sa nakaraang administrasyon.

Ibinunyag ni City Administrator Gonzalo “Sally” Malig-on na ang bawat truck ay binili sa halagang ₱10.99 milyon, samantalang ang parehong uri ng unit sa merkado ay mabibili lamang ng humigit-kumulang ₱3 milyon.

Natuklasan din na ang mga sasakyan ay 2017 year model at hindi brand new gaya ng ipinapakita sa mga dokumento. Lalong lumaki ang kontrobersiya nang matukoy na isa sa mga truck ay dati nang nakarehistro sa isang pribadong indibidwal bago pa man ito naideliver sa City Hall.

Ang naturang proyekto ay nagmula pa sa administrasyon ng napatalsik na Mayor Jonas Cortes, ngunit ang purchase order ay pinirmahan noong Hunyo 26, 2025 sa ilalim ni Mayor Glenn Bercede, kasama ang aktibong pakikilahok ng City Administrator ni Cortes na si Atty. Jamaal Calipayan.

Sa kasalukuyan, si Bercede ay nagsisilbing bise alkalde ng lungsod. Pag-upo ni Mayor Thadeo Jovito “Jonkie” Ouano, agad na ipinagawa ang market canvass na nagpatunay sa hinala na sobra-sobra ang ibinayad ng lungsod kumpara sa tunay na halaga ng mga truck.

“Hindi lang ito usapin ng presyo kundi usapin ng pananagutan,” pahayag ni Malig-on sa panayam.

“Sa dokumento, brand new ang nakalagay pero 2017 models lang ang dumating. Hindi tugma ang presyo sa katotohanan.”

Dahil dito, hindi muna binayaran nang buo ng lungsod ang nasabing mga truck, bagay na nagbibigay ng kalamangan sa negosasyon para maibalik ang mga ito.

Sa isang memorandum na inendorso ni Mayor Ouano at sinuportahan ng Department of General Services, inirekomenda na huwag munang tanggapin ang mga truck hangga’t hindi nagbibigay ng malinaw na paliwanag ang supplier at hindi naitatama ang diperensya sa presyo. Kasalukuyang nire-review ng City Hall ang buong transaksyon upang matukoy kung may iregularidad na naganap, at pinag-aaralan din ang posibleng paghahain ng kaso—administratibo o legal—depende sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Samantala, iginiit ng kasalukuyang administrasyon na ang mensahe ay malinaw: uunahin ang transparency at pananagutan, at hindi kailanman isusugal ang tiwala ng taong bayan.

59

Related posts

Leave a Comment