AGAD ipinasara ni Makati City Mayor Abby Binay ang dalawang resto bar sa Brgy. Poblacion matapos mahuli sa isinagawang raid ng mga awtoridad noong Biyernes ng gabi, sa paglabag sa curfew at hinahayaan ang mga kostumer na hindi sumunod sa ipinatutupad na social distancing.
Ipinag-utos din ni Mayor Binay ang kanselasyon ng permit ng Movida Fashion Food and Club at Royal Indian Curry House, dahil sa nasabing paglabag.
Nagbabala rin ang mayor sa mga establisimyento sa lungsod at gayundin sa mga parokyano, na seryosohin ang mga patakaran ng LGU tungkol sa pandemya dahil handa nilang ipataw ang kaukulang parusa sa sinumang lalabag sa batas at alituntunin.
Pinaalalahanan din ni Mayor Binay ang mga may-ari ng restaurant at fastfood na sumunod sa mga probisyon ng City Ordinance No. 2020-165, na nagkabisa noong Agosto 31, 2020, na nagtatakda ng guidelines para sa operasyon ng mga establisimiyento habang may pandemya, kasama ang kaukulang polisiya para sa bawat level ng community quarantine.
Samantala, 51 katao na magkakaibang lahi ang nahuli sa nasabing operasyon na isinagawa ng Makati Police at Public Safety Department noong Biyernes bilang bahagi ng tuloy-tuloy na pagmo-monitor sa buong lungsod upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus. (DAVE MEDINA)
