ILANG araw bago ang kaarawan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na ideklarang special non-working holiday sa Ilocos Norte ang Setyembre 11.
Sa botong 197 pabor, 9 ang tumutol at isa ang nag-abstain, ay lumusot na ang nasabing panukala na inakda nina Ilocos Norte Reps. Angelo Marcos Barba, Ria Christina Farinas at Probinsyano Ako party-list Rep. Rudy Cesar Farinas.
“As a salute to a brilliant man whose vision of the country remains unparalleled, this bill seek to declare September 11 of every year a special non-working holiday in the province of Ilocos Norte in commemoration of the birth anniversary of former President Ferdinand E. Marcos to be know as President Ferdinand Edralin Marcos Day,” ayon sa House Bill (HB) 2218.
Ganito rin ang laman ng panukala ng magkapatid na Fariñas sa kanilang HB 4695 bilang pagkilala sa tinatawag na “APO” na si Marcos at hindi matatawarang kontribusyon nito sa bansa lalo na sa kanilang lalawigan.
Dahil walang tumutol ay agad na pinagtibay ang mga nabanggit sa House Committee on Local Government na pinamumunuan ni Tarlac 3rd District Rep. Noel Villanueva noong Hulyo.
Agad itong isinalang sa ikalawang pagdinig ilang araw pagkatapos ilabas ang committee report noong Hulyo 11 na inaprubahan sa pamamagitan ng viva voce voting.
Kahapon, Setyembre 2, ay tuluyan itong pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa sa pamamagitan ng nominal voting.
Hihintayin na lamang ang bersyon ng Senado sa nasabing panukala bago ito pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang ganap na maipatupad sa Ilocos Norte kung saan ipinanganak si Marcos.
Si Marcos ay ipinanganak noong September 11, 1917 sa Sarat, Ilocos Norte na ika-10 Pangulo ng Republika ng Pilipinas at tanging pangulo na dalawang beses na nahalal sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
“President Marcos laid the foundation of nation-building. Under his leadership, we are ahead of our time-in agriculture, education, infrastructure, energy production and foreign policy. His extraordinary display of leadership and incomparable brilliance serves as an inspiration to his fellow Iloconos.
He is a man of vision, action and wisdom. Thus, it is only necessary that his life, works, remarkable achievements and inherent love for his fellow Ilocanos be remembered,” ayon pa panukala ni Barba.
(BERNARD TAGUINOD)
