TINIYAK ni Lt. Gen. Camilo Cascolan na ang higit dalawang buwan niya sa pagiging pinuno ng Philippine National Police (PNP) ay ‘nakatutok’ sa mga “high-value-target” (HVT) sa mundo ng ilegal na droga.
Si Cascolan ang hinirang na ika-24 na PNP chief pagkatapos na pormal nang nagretiro si General Archie Francisco Gamboa sa PNP kahapon.
Ika-56 na taong kaarawan ni Gamboa kahapon.
Sina Cascolan at Gamboa ay parehong nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1986.
Kaklase nila sina Senador Ronald dela Rosa at Oscar Albayalde.
Si Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar ay siyang pumalit sa posisyon ni Cascolan na PNP deputy chief for
administration.
Dahil diyan, si Eleazar na ang ikalawang pinakamataas na opisyal sa PNP.
Si Cascolan naman ay magreretiro sa Nobyembre.
“Ating paiigtingin ang anti-drug campaign po natin. Atin pong titignan ang mga high value individuals na sila ay makukuha mismo at sila ay maaaresto,” tugon ni Cascolan sa maaaring magawa niya sa loob ng mahigit dalawang buwang termino.
Batay sa rekord ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), umabot na sa 245,135 ang mga pinaniniwalaang tulak at adik, kabilang ang 9,350 HVTs sa kabuuang 168,525 anti-illegal drug operations mula noong Hunyo 30,2016.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), kahit hanggang Nobyembre 10 na lang si Cascolan sa PNP ay pinayagan siyang maging PNP chief dahil kinilala at sinunod ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “rule of succession.” (NELSON S. BADILLA)
91