MABILIS AT DE-KALIDAD NA PAGGAWA NG BATAS, IPAGPAPATULOY NG KAMARA — SPEAKER DY

TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ipagpapatuloy ng Kamara ang mabilis ngunit de-kalidad na paggawa ng batas sa Second Regular Session ng 20th Congress.

Ayon kay Dy, patuloy na isusulong ng Kamara ang mga priority legislation habang pinatitibay ang koordinasyon nito sa Senado at Executive Branch, pinahuhusay ang committee system, at pinalalawak ang konsultasyon sa iba’t ibang stakeholder.

“Malaking bagay po ang magandang ugnayan ng Kamara, Senado, at Executive Branch,” pahayag ni Dy sa isang video message.

Sinabi niya na patuloy ding pinalalakas ng Kamara ang committee system upang maging mas mabilis ngunit masusing matalakay ang bawat panukala, kasabay ng mas malawak na konsultasyon sa publiko.

Binanggit ni Dy ang kamakailang paglulunsad ng LegisHear, isang nationwide comprehensive public consultation program na naglalayong hindi lamang pabilisin ang proseso ng paggawa ng batas kundi tiyakin ding de-kalidad at maayos ang bawat panukalang maipapasa.

“Ang mensahe ko po ay simple lamang: tuloy-tuloy ang trabaho ng Kamara,” ani Dy, sabay pagsabing target nilang maipasa ang maraming priority bills ngayong taon.

Binigyang-diin din niya na dapat patuloy na tumugon ang Kongreso sa mga suliranin ng ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng mga batas na magpapababa ng gastusin, magpapalakas ng ekonomiya, lilikha ng trabaho, at magpapabuti ng mga serbisyong pampubliko.

“Alam po natin na marami pa ring hamon ang kinakaharap ng ating mga kababayan. Kaya ang bawat araw ng sesyon ay pagkakataon upang makapagpasa ng mga batas na makatutulong sa pagpapababa ng gastusin, pagpapalakas ng ekonomiya, paglikha ng trabaho, at pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko,” pagtatapos ni Dy.

(TINA MENDOZA)

73

Related posts

Leave a Comment