HINIHINALANG dahil sa rido o away ng mga angkan ang ugat ng pananambang sa isang mag-anak na ikinamatay ng isang paslit at ama nito habang kritikal naman ang ina sa lalawigan ng Maguindanao.
Kinilala ang mga biktimang napatay na sina Eskak Esmail Mamo, 38; Datu Abdullah Mamo, 5-anyos, habang sugatan naman si Paiza Datua Mamo, 35, pawang mga residente ng Sultan Sabarongis, Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director, Colonel Jibin Bongcayao, sakay ang mga biktima ng multicab para magtungo sa merkado.
Ngunit pagsapit sa Barangay Gawnan, Rajah Buayan, Maguindanao ay tinambangan sila ng hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan gamit ang kalibre .45 pistola at M16 armalite rifles.
Dead on the spot si Abdullah Mamo at dead on arrival sa pagamutan ang kanyang ama habang ang ina ay kritikal ang kalagayan.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek na target ngayon ng manhunt operation ng mga awtoridad.
Sa ngayon ay may mga ‘person of interest’ na ang Rajah Buayan PNP sa pananambang sa mga biktima na patuloy nilang iniimbestigahan. (JESSE KABEL)
