KALABOSO ang mag-asawa makaraang arestuhin ng mga tauhan ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) dahil sa panunuhol sa isa sa mga complainant sa “missing sabungeros”.
Dahil dito, kaagad na ipinag-utos ni Philippine National Police chief, Police Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr., ang malalimang imbestigasyon kaugnay pagkaaresto sa mag-asawa.
Ayon sa ulat, dinakip ang mga suspek noong Setyembre 15 sa Barangay Dolores, Taytay, Rizal matapos iabot ang P1.5 milyong cash kay Jaja Peralta, kinakasama ng isa sa mga nawawalang sabungero na si Jean Claude Inono.
Ayon kay CIDG Director Police Maj. Gen. Robert Morico II, nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek makaraang humingi ng ‘request for assistance’ si Jaja Peralta na isa sa mga tumatayong complainant sa kaso.
Nabatid sa salaysay ng complainant, nag-alok ng malaking halaga ng pera ang mga suspek kapalit ng pananahimik nito at hindi pagdalo sa anomang patawag ng korte.
Gayundin ang pag-atras nito ng reklamo sa DOJ laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pang personalidad na inuugnay sa mga nawawalang sabungero.
Sinabi naman ni Nartatez, may nag-utos o mastermind para pakilusin ang mag-asawang suspek upang suhulan ang complainant.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng CIDG ang dalawang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 286 ng RPC o Grave Coercion at PD 1829 o Obstruction of Justice.
(TOTO NABAJA)
