MAG-ASAWANG DISCAYA NAGTUNGO SA DOJ PARA SA HIRIT NA WITNESS PROTECTION

MAGKAHIWALAY na dumating kahapon sa Department of Justice (DOJ) ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Unang dumating si Curlee pasado alas-8 ng umaga, kasama ang mga tauhan ng Senate Sergeant-at-Arms dahil nasa kustodiya siya ng Senado matapos ma-contempt. Naka-bulletproof vest ito bilang proteksyon laban sa anumang banta sa kanyang buhay.

Makalipas ang dalawang oras, dumating naman ang misis niyang si Sarah na nakasuot ng cap at facemask.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, personal na nagtungo ang mag-asawa para sa inisyal na proseso kaugnay ng kanilang hiling na maisailalim sa witness protection. Tumanggi ang kalihim na ibahagi ang detalye ng kanilang pag-uusap dahil confidential umano ito.

Paglabas ng mag-asawa sa tanggapan ni Remulla, kapansin-pansin ang maaliwalas na ekspresyon ng kanilang mga mukha. “I think they are relieved na madali akong kausap,” pahayag ng kalihim.

Nilinaw rin ni Remulla na hindi nangangahulugan ang kanilang pagharap na awtomatiko nang maisasailalim sila sa Witness Protection Program o magiging testigo ng gobyerno sa flood control projects scam.

Dagdag pa ng kalihim, may iba pang contractor na lumalapit sa DOJ para ibunyag ang nalalaman kaugnay ng anomalya, kabilang ang isang opisyal mula sa DPWH na nais ding i-evaluate kung puwedeng maging testigo.

(JULIET PACOT)

60

Related posts

Leave a Comment