CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao – Bunsod ng pangamba sa kanilang buhay at kaligtasan, nagdesisyon ang mag-asawang kasapi ng communist terrorist group (CTG) na iwaksi na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa gobyerno sa pamamagitan ng pagsuko sa mga tropa ng 5th Special Forces Battalion sa Brgy. Ned, Lake Sebu, South Cotabato.
Kinilala ang sumuko na si alyas “Loloy”, isang political instructor, kasapi ng Platoon Madrid ng South Regional Command Daguma, at misis nitong si alyas “Lalay”, isang medic sa nasabing pangkat, kapwa sa ilalim ng Far South Mindanao Region.
Ayon kay Lieutenant Colonel Zandro Alvez, Battalion commander ng 5th Special Forces Battalion, ang mag-asawa ay sumuko noong Lunes ng gabi (Oktubre 3, 2022).
“Isinuko din nila ang kanilang mga bitbit na armas na isang 5.56mm Colt M16A1, isang M14 rifle at mga magazine,” pahayag ni Col. Alvez.
Sinabi ni Brigadier General Pedro Balisi Jr., Brigade commander ng 1st Mechanized Infantry Brigade, namulat na sa katotohanan ang mag-asawa at napagtanto nila na biktima lamang sila ng komunistang ideolohiya at panlilinlang bagay na iwinawaksi na nila ngayon. (JESSE KABEL)
