LUBOS na pinangangambahan ang nakaambang perwisyo sa milyong residente ng lalawigan ng Bulacan sa sandaling bumigay ang isang bahagi ng Bustos Dam na napinsala, dalawang taon na ang nakaraan.
Panawagan ng Sangguniang Panlalawigan ng naturang probinsya sa National Irrigation Administration (NIA), obligahin ang ITP Construction, Inc. at Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co. Ltd. para kagyat na ayusin ang sirang rubber bladder sa Bay 5 ng Bustos Dam lalo pa’t pasok pa sa warranty na nakapaloob sa kontrata ang pagkukumpuni ng dambuhalang imbakan ng tubig.
Ayon sa Sangguniang Panlalawigan, hindi dapat palampasin ang palpak na rehabilitasyon ng mga nasabing kumpanya.
Tugon naman ng NIA, binigyan na ng kanilang ahensya ang mga nabanggit na kumpanya hanggang ngayon buwan para balikan ang bahaging isinailalim sa rehabilitasyon.
“Inaksyunan na yan. Kapag hindi gumalaw ang kontraktor ngayong Oktubre kakasuhan na sila. Matagal nang isyu yan na hindi maresolba,” pahayag ni NIA administrator Benny Antiporda, kasabay ng pagtitiyak na hindi palalampasin ng nabanggit na ahensya ang anomang magdadala ng perwisyo at kapahamakan sa mamamayan.
“We must act now. We demand the immediate removal and replacement of all six gates under the contract for Bustos Dam. Kapag hindi, I will not hesitate to file civil and criminal cases sa lahat ng sangkot sa usaping ito,” ayon naman kay Bulacan Gov. Daniel Fernando.
Bukod sa nagbabadyang peligro sa buhay ng mamamayan sa kanyang nasasakupan, pinangangambahan din aniya nila ang nakaambang perwisyo sa humigit kumulang 12,904 na magsasaka sa 15,706 ektaryang taniman ng palay at gulay.
Sa pagtataya ng gobernador, posibleng umabot sa P880 milyong hanggang P.7 bilyon ang mawawala sa kanilang sektor ng agrikultura. Nasa 80 barangay mula sa dalawang lalawigan ang posibleng maapektuhan ng pinsala sakaling tuluyang bumigay ang Bustos Dam.
Hulyo 2020 nang masira ang rubber bladder bunsod ng di umano’y mahinang klase ng materyales na ginamit ng mga kontratista. Matapos ang insidente, makailang ulit na umanong nakipag-ugnayan ang pamahalaang panlalawigan sa ITP Construction, Inc. at Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co. Ltd.
“Kaya lang di naman nila kami pinapansin,” dagdag ng punong-lalawigan.
Wala pang pahayag ang mga tinukoy na kontratista. (JESSE KABEL)
