Mag-uugnay sa Quezon at Batangas FLOATING WALK BRIDGE ITINAYO NG PCG

KONEKTADO na muli ang mga bayan ng Sariaya sa Quezon at San Juan sa Batangas para sa mga magtatawiran sa dalawang bayan sa pamamagitan ng Bantilan River.

Ito ay matapos maglagay ang Philippine Coast Guard (PCG)  ng pansamantalang floating pontoon walk bridge sa buong kahabaan ng ilog noong Martes kapalit ng dating tulay na nawasak ng nakaraang Bagyong Paeng.

Ayon sa PCG, ang nasabing floating walk bridge ay may lapad na apat na metro at may habang nasa humigit kumulang sa 70 metro.

Katuwang ng PCG sa proyekto ang LGU ng mga bayan ng Sariaya at San Juan.

Ayon kay PCG Commodore Inocencio Rosario Jr., PCG commander sa Southern Tagalog, ligtas gamitin ang pontoon bridge bilang pansamantalang tawiran ng mga tao, at kasabay nito ay magde-deploy  sila ng mga tropa upang magbantay at magpatupad ng safety measures simula umaga hanggang gabi katulong ang local government units.

Kakayanin umano ang sampu katao na makatawid nang sabay-sabay sa pontoon bridge na gawa sa fiberglass at magagamit din ito ng pangmatagalan habang hinihintay pa ang kongkretong tulay na inaasahang isasagawa sa susunod na taon.

Ayon kay Sariaya Mayor Marcelo Gayeta, napakalaki ng papel ng Bantilan Bridge para sa mamamayan ng Sariaya sa Quezon at San Juan sa Batangas dahil ito ang nagsisilbing tawiran ng mga produktong pang agrikultura at lagusan patungo sa eskwelahan, trabaho at negosyo.

Ganito rin ang pahayag ni San Juan Mayor Ildebrando Salud na nagsabing napakahalaga ng tulay na ito sa buhay at kabuhayan ng kanyang mga kababayang magsasaka, at ito ang pinakamabilis na daan sa pagluwas ng iba’t ibang klase ng mga gulay patungo sa malalaking bagsakan ng gulay  at pamilihan sa Quezon. (NILOU DEL CARMEN)

299

Related posts

Leave a Comment